Astig inimbita sa Pusan International Film Fest
Ang magkapatid na Antonio at Jay Aquitania ang latest sa talents ni Douglas Quijano na nakakita na ng bagong manager. Balita ni Richard Gomez, si Leo Dominguez ang kinuha ng magkapatid as their manager.
Kinakausap na rin daw ni John Estrada si Wyngard Tracy para maging manager, pero wala pang final. Kung tatanggapin ni Wyngard si John, magkakasama sila ni Wendell Ramos na si Wyngard na rin ang manager.
Si Gelli de Belen ay pumirma na kay Boy Abunda, si Janice de Belen ay kinuha si Popoy Caritativo, si Anjo Yllana ay na kay Malou Choa-Fagar na.
“One of these days, kailangan na namin nina Lucy (Torres-Gomez), Jomari Yllana at Joey Marquez na maghanap ng manager. Hindi ko kaya at mahirap i-manage ang sarili, mahirap makipag-tawaran,” sabi ni Richard.
May nagtanong kay Richard kundi ba magkakaroon ng conflict kung si Johnny Manahan ang manager niya, tapos sa GMA 7 siya nagta-trabaho? O, willing ba siyang bumalik ng ABS-CBN ‘pag si Mr. Manahan na ang kanyang manager?
“Hindi ko masabi kung babalik ako ng ABS-CBN, pero hindi ko pa nakakausap si Mr. Manahan, isa lang ang pangalan niya sa mga nabanggit, pero wala pang pag-uusap.”
Kumusta naman si John after mang-umbag sa 40 days ni Douglas?
“Sinabihan ko na mag-relax at magpakatino muna. Kung puwede ko lang siyang kutusan, ginawa ko na, pero mabait naman ‘yun at napagsasabihan. Lagi nga sa bahay, mainitin lang talaga ang ulo niya.”
Sa presscon/launching nang pagiging endorser nila ni Lucy, anak na si Juliana at in-laws niya ng Birch Tree Milk, na-interview si Richard. Siniguro nitong makaka-usap uli ang press sa presscon nang magbabalik na Family Feud sa September. Makikipag-meeting na raw siya sa GMA 7 management next week at sa August na rin ang taping niya.
* * *
Matatapos na ang Zorro at hindi na mapapanood ang back-to-back appearance nina Sheena Halili at Marco Alcaraz na parehong nasa Zorro at Rosalinda na magkasunod pa ang airing. Hindi ba ito napansin ng GMA 7?
Balitang kinausap ang manager ba o handler ni Sheena dahil sa back-to-back na labas niya at kundi pa napansin, dapat kasama rin si Sheena sa cast ng Show Me The Manny. Mabuti raw at naalalang nasa magkasunod na series na siya, kaya pinalitan siya ni Lovi Poe.
Obvious bang masipag maghanap ng project ang manager at handler ni Sheena para sa kanya? Isa siya sa ’di nawawalan ng project sa mga Kapuso talents.
* * *
Masaya ang lahat ng taong bumuo sa Astig dahil ang pelikula ang first movie sa Cinemalaya Cinco na naimbitahang mag-compete sa 14th Pusan International Film Festival (PIFF) na gagawin sa October 8-16. Ipinaalam ang magandang balita sa UP screening ng pelikula.
Sa e-mail na ipinadala kay Noel Ferrer, ang supervising producer ng Astig ni Kim Ji-seok, program director ng PIFF, sinabi nitong i-screen ang Astig sa New Currents section, “the competition section to discover innovative movements and is only eligible for the new filmmaker from Asia.”
Ang imbitasyon ng Pusan International Film Festival ang rason kung bakit after the UP screening, wala munang commercial screening ang pelikula. Ang Astig ang top grosser sa Cinemalaya Cinco, nagpapanalong best director kay GB Sampedro (suwerte yata si Candy Pangilinan sa kanya), best supporting actor kay Arnold Reyes, best editing kay Bebs Gohetia at best sound kina Ditoy Aguila, Junel Valencia at Marc Locsin. Sina Boy Abunda at Boy So ang producers nito.
* * *
Naniwala si Fernando Jose (Geoff Eigenmann) sa picture na ipinakita ni Fedra (Katrina Halili) na nakikipag-halikan si Rosalinda (Carla Abellana) kay Anibal (Marco Alcaraz).
- Latest