Annabelle Rama at Wilma Galvante pinagsabihan ng korte
MANILA, Philippines - Pinagsabihan kahapon ng isang hukom ang talent manager na si Annabelle Rama at GMA-7 Executive Wilma Galvante na mag-usap at ayusin na lang ang kanilang away bago pa man dinggin ang injunction case laban kay Rama.
Sa isang pagdinig kahapon, sinabihan ni Quezon City Regional Trial Court Judge Lea Regala sina Rama at Galvante na aregluhin na lang nila ang kanilang problema sa labas ng korte.
Naunang kinasuhan ng libelo ni Galvante si Rama dahil sa paninira nito sa kanya pero idinemanda rin ng huli ang una.
Nagbunsod sa away ng dalawa ang usapin kay JC de Vera, isa sa mga artistang alaga ni Rama na nakakontrata sa GMA-7.
Pero sinabi ni Regala na dapat mag-usap na lang ng maayos sina Rama at Galvante o dumaan sa mediation bago pa man umabot sa aktuwal na paglilitis ng korte ang kaso.
Ayon sa abogado ni Rama na si Agnes Maranan, ang mediation ay isang proseso na hinihingi ng korte para maareglo ang isang kaso.
Takdang dinggin muli ang kaso sa Agosto 2. (ADC)
- Latest