Sagot ni Annabelle Rama sa demanda na reckless imprudence, 'Magkita-kita na lang kami sa korte'
Masaya ang birthday party ni Douglas Quijano sa Club Filipino noong Huwebes ng gabi pero ang pagkakaiba lang, wala ang kanyang physical presence.
Kahapon ang talagang birthday ni Dougs pero isinabay na ang birthday asalto niya sa 40 days ng kanyang kamatayan.
Maaga akong nagpunta sa Club Filipino dahil ayokong ma-late sa misa. Ang ending, ako pa rin ang pinakamaagang dumating at halos 8:00 p.m na nang magsimula ang misa.
Dumalo sa misa ang mga kapwa talent manager ko na member ng PAMI, ang mga alaga ni Dougs at ang kanyang mga kamag-anak.
Abut-abot ang pasasalamat ng relatives ni Dougs dahil naramdaman daw nila ang genuine na pagmamahal kay Dougs ng kanyang mga alaga at kaibigan.
Mabait at mabuting tao si Douglas noong nabubuhay pa ito kaya marami ang nagmamahal sa kanya.
* * *
Sinabi sa akin na Michael Jackson at Marilyn Monroe ang theme ng birthday party ni Dougs pero hindi ito nasunod.
Sina Joey Marquez at ang magkapatid na Anjo at Jomari Yllana ang tanging nakita ko na naka-suot ng Michael Jackson attire.
Favorite kasi ni Dougs sina Michael at Marilyn. May collection siya ng Marilyn Monroe movies at puro mga kanta ni Michael ang maririnig sa kanyang Ipod.
Nagbiro nga si Richard na ipinagpalit sila ni Dougs kay Michael at ito na ang bagong talent ng kanyang manager. Halos isang linggo lang ang pagitan ng kamatayan nina Dougs at Michael. Malay natin, baka nagkita na sila kung saan man sila naroroon.
* * *
Ang sasarap ng pagkain sa birthday party ni Dougs. Type na type ko ang chocolate cake na ipinadala ni Carmina Villarroel. Sobrang sarap at mura pa.
Binibili raw ni Carmina ang masarap na chocolate cake sa Antipolo City. Inalam ko nga ang contact number at address dahil magandang pangregalo ang bongga sa sarap na chocolate cake.
* * *
Civil nga ang trato nina Janice de Belen at John Estrada. Hindi sila masyadong nag-uusap at hindi rin nagdededmahan nang makita ko sila sa Club Filipino.
Na-master na talaga ni Janice ang pagiging dedma or else, magagalit ang kanyang dogs na ayaw na makita si John sa bahay ng kanilang amo sa New Manila.
* * *
Apat na lechon ang kontribusyon ni Annabelle Rama sa birthday party ni Douglas. Anak-anakan din kasi ni Dougs si Richard Gutierrez.
Siyempre, pinagkaguluhan si Bisaya ng mga reporter dahil sa balita na idedemanda si Richard ng asawa ni Nomar Pardo.
The who si Nomar? Siya ang kasama ni Richard sa lahat ng mga lakad nito. Sa mga taping, shooting at out-of-town shows. Parang magkapatid na nga ang dalawa dahil mas nakakasama ni Richard si Nomar kesa sa kanyang twin brother na si Raymond.
Namatay si Nomar sa car accident na nangyari noong May 22. Nakaligtas si Richard at nangako ito na siya ang susuporta sa dalawang anak na naulila ni Nomar.
Nagulat si Annabelle nang malaman nito na magdedemanda ang asawa ni Nomar dahil maayos daw ang usapan nila noon.
Kahapon nagsampa ng kaso ang misis ni Nomar pero na-pre-empt ni Annabelle ang kanyang hakbang dahil mismong si Bisaya ang nagkuwento sa mga reporter tungkol sa balak na pagdedemanda laban kay Richard.
Ang sey ni Bisaya, ready ang kanyang pamilya sa kaso na dadalhin sa korte ng asawa ni Nomar. Tumataginting ang boses ni Annabelle nang sabihin niya na magkita-kita na lang sila sa korte.
- Latest