ABS-CBN ilulunsad ang SONA Mo, Ipatrol Mo
MANILA, Philippines - Hindi lamang si Pangulong Arroyo ang mag-uulat tungkol sa estado ng bansa sa Hulyo 27, kundi pati mga mamamayang aktibong lumalahok sa Boto Mo iPatrol Mo: Ako ang Simula ng ABS-CBN.
Simula Lunes (Hulyo 20), maaari nang maiparating ng mga Boto Patrollers ang kanilang saloobin at opinyon sa buong mundo sa pamamagitan ng SONA Mo, iPatrol Mo. Dito’y hinihikayat ang mga Boto Patrollers na ipadala sa ABS-CBN ang kanilang bersyon ng State of the Nation Address o SONA – taunang talumpati ng Pangulo tungkol sa lagay ng bansa.
Sa SONA Mo, iPatrol Mo, kailangan lamang na kunan ng retrato o video ng Patroller ang isang eksena o insidente sa kanyang komunidad na sa tingin niya ay naglalarawan ng tunay na lagay ng bansa. Maaaring i-MMS o i-email ang retrato o video na ito, lagyan lamang ng maikling paliwanag.
“Sa pamamagitan ng SONA Mo, iPatrol Mo, nais nating malaman ang opinyon ng ating mga kababayan sa lagay ng bansa base sa nakikita nila o nararanasan sa kanilang mga komunidad,” sabi ni ABS-CBN New Media Manager Arlene Burgos.
Ang pinakamagandang mga kontribusyon ay ipalalabas sa mga programang TV Patrol World, Bandila at Umagang Kay Ganda simula Lunes (Hulyo 20) hanggang Biyernes (Hulyo 24), at maaaring maging bahagi ng coverage ng ABS-CBN news coverage sa pagbibigay ni Pangulong Arroyo ng SONA.
Para sumali, maaaring magpadala via MMS ang mga rehistradong Boto Patrollers ng kanilang retrato o video reports at i-text ang ireport(space)name(space)address(space)message sa 2366. Maari rin silang mag-email ng mga retrato at video at mga caption nito, o links kung saan naka-upload ang mga retrato o video, sa [email protected]. Ilagay lamang ang pangalan at Patroller ID number sa subject line ng email at ipadala ito mula Hulyo 18 hanggang 24.
Patuloy na gumagawa ang ABS-CBN ng mga makabuluhang hakbang kaugnay ng kampanyang himukin ang mga mamamayan na makibahagi sa mga prosesong demokratiko tulad ng halalan. Isa sa mga hakbang na ito ang nalalapit na ikatlong ANC Leadership Forum kung saan inimbitahan sina Vice President Noli De Castro, Sen. Francis Escudero, Sen. Francis Pangilinan, Sen. Loren Legarda, Sen. Manuel Villar, Sen. Manuel Roxas II, Defense Secretary Gilbert Teodoro, Isabela Gov. Grace Padaca at Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno. Mapapanood ito sa ANC (SkyCable Channel 27) sa Hulyo 28, alas-7 ng gabi at may replay sa Studio 23 sa Agosto 1, alas-6 ng gabi at sa ABS-CBN sa Agosto 2, alas-10:15 ng gabi.
Muli ring magtatayo ang ABS-CBN ng COMELEC registration booths sa Hulyo 29 (Miyerkules) sa Dagupan, Bacolod, at Zamboanga.
Maaari ring mag-register online sa www.abs-cbnnews.com o kaya’y magpunta sa ABS-CBN stations nationwide pati na rin sa ABS-CBN global bureaus sa San Francisco, Dubai, London, at Sydney.
- Latest