Pagkamatay ni Jacko itinuturing na homicide
MANILA, Philippines - Tinatrato na umano ng Los Angeles Police Department (LAPD) na isang kasong homicide ang pagkamatay ng King of Pop na si Michael Jackson.
Sinasabi sa isang ulat ng TMZ na, ayon sa ilang law enforcement sources, tinututukan ngayon sa imbestigasyon ng LAPD ang doktor ni Jackson na si Dr. Conrad Murray.
Batay umano sa mga ebidensya, ang anesthesia na Propofol ang pangunahing naging sanhi ng pagkamatay ng singer sa loob ng inuupahan nitong mansion sa Los Angeles.
Naunang napaulat na ilang vials ng Propofol ang natagpuan sa mansion makaraang mamatay si Jackson noong nakaraang buwan.
Sinasabi ng mga impormante na may mga malalakas na ebidensya na tumutukoy na si Murray ang nagbibigay ng gamot kay Jackson.
Kabilang pa sa mga ebidensya ang Propofol, IV stand at oxygen tank na nakita sa mansion.
Samantala, galit na pinabulaanan kahapon ng dating asawa ni Jackson na si Debbie Rowe ang mga ulat na tinanggihan niyang alagaan ang kanyang dalawang anak sa singer kapalit ng milyun-milyong dolyar.
Ito ang sinabi ng abogado ni Rowe na si Attorney Eric George na nagsabing hindi kailanman isusuko ng kanyang kliyente ang mga karapatan nito sa mga anak.
Pinatutungkulan nila ang ulat sa New York Post na pumayag umano si Rowe sa divorce agreement nila ni Jackson na payag siyang tumanggap ng $4 milyon kapalit ng pagtalikod niya sa kanyang karapatan bilang ina ng mga anak niyang sina Prince Michael Jr., 12, at Paris, 11.
Idiniin ni George na walang kasunduan ang dating mag-asawa hinggil sa custody o visitation sa mga bata.
- Latest