TV-host actor pinagri-resign ng mother studio sa ibang network
Matutuwa ang mga fans nina Jennylyn Mercado at Mark Herras na nabitin sa pagtatapos ng soap nilang Paano Ba ang Mangarap? dahil magkakaroon uli sila ng bagong soap. Ang bagong soap ang sinasabing rason kung bakit na-pull out ang aktor sa Darna at hindi na isinali sa cast.
May working title na Now That I Have You ang next soap ng dalawa na baka ipalit sa All My Life nina Kris Bernal at Aljur Abrenica. Maganda ang istorya, mature role ang gagampanan nina Jennylyn at Mark, bagay sa kanila at right project na follow-up sa Paano Ba ang Mangarap? na nagsimula at nagtapos na mataas ang rating.
* * *
Isa kami sa entertainment press na ini-email ng mga fans nina Kim Chiu at Gerald Anderson na naglalabas ng sama ng loob sa mga may pakana diumanong paghiwalayin ang magka-loveteam. Natuwa na raw sana sila sa K-text ni Kris Aquino na makakasama niya sa pelikula niya sa Star Cinema at entry sa Metro Manila Film Festival.
Napalitan lang ng galit ang tuwa nila sa nabalitaang out na si Gerald sa cast at si Enchong Dee na ang makakapareha ni Kim. Nagbanta ang grupo ng mga fans na hindi panonoorin ang pelikula dahil ang feeling nila, nagamit ang KimGerald para sumikat ang iba. Nagamit na ang dalawa para sa kapakanan ni Jake Cuenca at uulitin ito kay Enchong.
Sabi pa ng KimGerald fans: “Kapag ipinareha nila sina Kim at Gerald sa iba kahit panandalian lang, ’di namin susuportahan. Hirap na kami sa pagsaksak nila kay Jake, uulitin na naman kay Enchong. Bakit minamadali nilang paghiwalayin sina Kim at Gerald? Three years pa lang ang loveteam nila, sana ’wag muna silang ipareha sa iba.”
* * *
May tsikang kinukumbinse ang TV host na ito ng management ng isang network na iwan ang show niya sa isa pang network, pero ayaw nitong makinig kahit halos araw-araw na siyang nire-remind na iwan ang show sa kabilang network at mag-concentrate sa show niya sa mother network.
Napamahal na sa TV host ang show na nire-request na iwanan niya at marami ang natutulungan niya para madiskubre at magkatrabaho. Hindi rin pabor ang girlfriend ng TV host na isang aktres na iwan ang show dahil ang boyfriend niya ang naghirap para sumikat ang show at mag-rate.
“Kung pipilitin nilang iwan ng BF ko ang show sa kabila, aba’y bigyan nila ng magandang show,” mataray na wika ng actress-GF ng TV host.
* * *
Magpa-pilot this Sunday sa Dear Friend ang four-part episode entitled Kay Tagal Kitang Hinintay at tampok ang triangle nina Chynna Ortaleza, Polo Ravales, at Sunshine Dizon.
Join din sa cast sina Rochelle Barrameda, Princess Violago, Dinky Doo, at Mel Martinez.
- Latest