Matapos malulong sa droga young actor naging pasaway, iresponsable
Hindi ko maabala ang mga maid of honor ko sa bahay noong Lunes ng gabi dahil nakatutok sa TV ang kanilang mga mata.
Ako pa nga ang nahiya na utusan sila dahil baka ma-miss nila ang mga eksena ng TV show na kanilang pinapanood, ang Rosalinda.
Gandang-ganda sa Rosalinda ang mga maid of honor ko at base sa kanilang mga sinasabi, mukhang click sa masa ang bagong primetime show ng GMA 7.
Ang mga kasambahay ko ang aking batayan kung magiging hit ang isang TV show. Alam na alam ang kuwento at kilalang-kilala nila ang mga karakter ng programa kapag interesado sila.
Kung hindi naman nila type ang TV show, may iba silang pinagkakaabalahan o natutulog na lamang sila.
* * *
Ang mga yaya, driver at kasambahay rin ang basehan ni Mother Lily Monteverde kapag gusto nitong malaman kung magiging hit sa takilya ang kanyang mga pelikula.
Ang mga driver, yaya at maid of honor ang unang nanonood ng mga pelikula ni Mother. Kapag horror ang pelikula at tili nang tili dahil sa matinding takot ang mga kasambahay, sure si Mother Lily na pipilahan sa takilya ang kanyang movie project. Tried and tested na ito sa Shake, Rattle & Roll series.
* * *
Knows kaya ni Kris Bernal na may mga nagtatampo dahil hindi na siya nakakasagot sa mga text message na ipinadadala sa kanya?
Mula raw nang maging busy si Kris sa taping, wala na itong oras sumagot sa mga texter na karamihan naman eh mga kaibigan niya. Dati-rati raw, mabilis sumagot si Kris.
Intindihin na lang natin ang katayuan ni Kris. Puyat at pagod siya sa taping ng All My Life, gumagawa pa sila ni Aljur Abrenica ng pelikula sa Regal Films.
Pupunta nga sila sa Bohol dahil dito kukunan ang kanilang mga eksena. I’m sure, excited si Aljur na makarating sa Bohol dahil....
Mabalik tayo kay Kris, pihadong makakarating sa kanya ang pag-e-emote ng mga nagtatampo. Knowing Kris, may dahilan ito kaya hindi siya kaagad nakakasagot sa mga nagpapadala sa kanya ng mga text message. Baka talagang wala siyang time. Imbes na gamitin niya ang oras sa pagte-text, natutulog na lang siya para magkaroon ng enough rest. Enough rest daw o!
* * *
Worried ang mga kaibigan ng isang young actor dahil lulong na raw ito sa paggamit ng illegal drugs.
Natsugi raw sa isang TV show ang young actor dahil naging pasaway ito at iresponsable.
Pinaghihinayangan ang bagets dahil award-winning actor ito at kung magtitino siya, malayo pa ang mararating ng kanyang showbiz career.
Kulang yata sa guidance ang young actor. At kung may nangangaral sa kanya, hindi niya pinakikinggan. Ang feeling yata ng bagets eh kayang-kaya na niya na mabuhay sa mundo dahil naranasan na niya na humawak ng malaking kadatungan.
Tingnan natin ang mangyayari sa bagets kapag naubos na ang kanyang datung na inaaksaya yata niya sa masamang bisyo! Talagang may mga tao na hindi natututo sa karanasan ng kanilang kapwa na nalulong sa droga, nagsisisi at nagbagong buhay.
- Latest