Marian kapamilya ang bagong leading man
Sa Pasiyam ni Douglas Quijano, sinabi sa amin ni Mother Lily Monteverde na gagawa ng pelikula si Jake Cuenca sa Regal Films at si Marian Rivera ang makakapareha nito. Excited siyempre si Jake sa ibinalitang ito sa amin ng Regal matriarch.
Hindi man alaga ng yumaong talent manager si Jake, naging close rin ito kay Douglas dahil sa manager nitong si Neil de Guia na super close naman kay Dougs.
Ngayong wala na ang talent manager, tiyak na maghahanap na ng kani-kanyang manager ang mga iniwang alaga.
Hindi kaya magsilipatan ang mga ito kay Lolit Solis, since si Manay Lolit ang isa sa mga itinuturing na best friends ng yumaong si Douglas? Nabalitaan naman namin na si Perry Lansigan (EP ng SOP at manager nina Dingdong Dantes, Geoff Eigenmann, at iba pa) ang gustong maging manager ni Wendell Ramos pero nag-deny agad ito.
* * *
Naging baguhan din minsan si Marian Rivera kaya naiintindihan niya ang pinagdadaanan ngayon ng baguhang aktres na si Carla Abellana na siyang pangunahing bituin sa TV remake ng Mexican telenovela na Rosalinda.
Naiintindihan din ni Marian na pagkukumparahin sila o ’di kaya’y iintrigahin pero hindi magpapaapekto si Marian at welcome sa kanya ang pagpasok ni Carla na malaki ang hawig sa kanya. Sa totoo lang, napakasuwerte ni Carla dahil unang project pa lamang niya ay lead role kaagad ang ipinagkatiwala sa kanya, ’di tulad kay Marian na dumaan muna siya sa mga supporting roles bago siya nabigyan ng kanyang major role sa Marimar na siya namang nagbago ng takbo ng kanyang karera.
* * *
Alam mo, Salve A., nagkaroon tayo ng pagkakataon na mapasama sa Philippine delegation ng pagbisita ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Tokyo, Japan nung isang linggo and it was a rare chance para sa amin dahil nagkaroon kami ng access sa halos lahat ng official activities ni PGMA sa Japan mula June 17 hanggang 20.
Kasama sa itinerary ni PGMA sa kanyang state visit sa Japan ay ang pakikipagkita sa emperor at empress ng Japan sa Imperial Palace, pakikipag-meeting kay Prime Minister Taro Aso, meeting with the Filipino community sa Japan, pagbisita sa AOTS Language Training Facility for Filipino Nurses and Caregivers, media interview, meeting with the Executive Committee of the Japan Chamber of Commerce (JCCI), ang kanyang pagiging guest speaker sa forum ng International Friendship Exchange Council of Japan (FEC) at Japan-ASEAN Economic and Cultural Exchange Committee at Asian Economic and Cultural Exchange System (AIS).
Nakakapagod pero nag-enjoy kami sa aming five-day stay sa Tokyo lalo na pagdating sa Filcom night nung nakaraang Biyernes na ginanap sa Mariner’s Court Hotel kung saan nasaksihan namin ang mainit na pagtanggap kay PGMA ng ating mga kababayan doon.
Bukod sa mga local Pinoy performers, isa si Richard Poon sa nagbigay ng sigla sa mga Pinoy na naroon.
Ang nakakalungkot na parte, isang kasamahan namin sa delegation ang “lumundag” (nag-TNT) at hindi na binigyan ng kahihiyan ang tanggapan ni Sec. Cerge Remonde na nag-process ng kanyang visa at iba pa at maging ang publikasyon na kanyang pinaglilingkuran. Pero naka-report na siya sa Philippine Embassy-Tokyo at maging sa Japanese immigration.
Sa totoo lang, isa kami sa nabigla sa ginawa ng taong ito na naging kasa-kasama namin sa loob ng ilang araw.
Sa mga officials naman na nakasama ni PGMA, pinagkaguluhan ng husto si Sec. Ralph Recto ng NEDA ng ating mga kababayan sa Filcom night, ganundin si Sec. Ed Angara pero kapansin-pansin na ilan lamang sa mga opisyales na kasama ni PGMA ang nagpakita sa Filcom night dahil may kani-kanya silang lakad at karamihan sa mga ito ay kongresista. Kung manghihingi lamang si PGMA ng attendance report, malalaman niya kung sinu-sino sa mga ito ang dumalo sa kanyang mga pinuntahang lugar.
Ngayon namin lubos na nauunawaan kung bakit ganoon na lamang ang batikos na inaabot ng marami sa ating mga government officials na sumasama sa delegasyon ng pangulo pero iba naman ang kanilang agenda kapag dumarating sila sa bansa na kanilang pinupuntahan.
Pera kaya nila ang kanilang ginagastos sa kanilang biyahe o pera ng taumbayan? Nagtatanong lang po.
* * *
Email:[email protected]
- Latest