Movie ni Pacman at Nicole ng Pussycat Dolls tuloy na tuloy na
Sa celebrity premiere ng Transformers 2 na release sa Pilipinas ng Solar Entertainment, inihayag ng may-ari ng kumpanya na si Wilson Tieng na hinihintay na lamang nila ang availability ni Nicole ng Pussycat Dolls at tuloy na ang paggawa nito ng pelikula sa kanyang kumpanya kasama ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.
Wapacman ang titulo ng pelikula tungkol sa isang single father na hindi sinasadyang nagkaroon ng super powers. Isa itong family movie na intended for the Metro Manila Film Festival.
Samantala, matagumpay ang ginawang premiere night ng Transformers Revenge of the Fallen sa Cinema 1 ng SM Megamall nung Lunes ng gabi. Pagpapatuloy ito ng kuwento ng mga Autobots sa pangunguna ni Optimus Prime kasama sina Bumblebee, Ironhide, Ratchet, Sideswipe, Skids, Mudflap, Arcee at Jetfire na tumutulong sa pagtatanggol sa mundo sa banta ng mga aliens.
Kalaban naman nila ngayon ang mga tulad din nilang robots na gustong makuha sa earth ang alternate power source para sa energons ng mga Transformers which is the sun. Pumupunta sila sa iba’t ibang planeta o mundo at kinukuha ang source ng power nila. Pumunta sila ng earth pero, nang kukunin na nila ang araw ay natuklasan nilang may mga nakatira rito, may mga tao. Batas na sinusunod ng mga Transformers na kapag may nakatira sa isang planeta ay hindi nila ito ginagalaw pero, walang pakialam ang grupo ni Fallen, kukunin at kukunin nito ang power source ng earth which is the sun. Dito na nagsimula ang labanan ng dalawang grupo.
Mas maaksiyon ng Transformer 2. Halos ‘di ako makahinga sa napakalakas ng dagundong ng sinehan habang naglalabanan ang dalawang puwersa ng mga robot. Talagang mapapaigtad ka sa iyong kinauupuan. Pero unlike the first movie, mas maraming nakakatuwang eksena ang ikalawa na talaga namang katutuwaan mo. Tulad ng madamdaming eksena ni Sam (Shia Labeouf) at ng kanyang ama, ang nakatutuwang eksena nila ng kanyang ina at ang mga nakakakiliting eksena nila ni Mikeyla (Megan Fox).
Yes, kasama pa rin ang mga nabanggit na artista at ang mga characters na ginagampanan nila sa unang Transformers. Mapapagod ka sa walang humpay na takbuhan nina Sam at Mikeyla para lamang mailigtas si Optimus Prime. Maging ang character ni Simmons na ginagampanan ni John Turturro ay kasisiyahan mo.
Meron ding bagong character na nadagdag, ang ka-dorm ni Sam na nagparamdam din ng kanyang presence pero unfortunately, hindi ko matandaan ang pangalan niya.
Ang daming nanood. Sa orchestra na kung saan nandun kami ay napilitan kaming maupo ng malapit sa screen. Marami namang bakanteng upuan pero, lahat reserved. Meron daw nakaupo, sabi ng nagbabantay. Kapag tinanong mo naman kung nasaan, wala silang maisagot. Obviously, pinauna lamang sila para mag-reserve ng seats. Sana hindi ganun, unfair sa mga naunang pumasok ng sinehan. Okay na mag-reserve ng isa o dalawang silya pero kapag isang row na, nakakagalit na!
Bakit ito hinahayaan ng SM cinema? At bakit nung mamatay ang aircon sa kalagitnaan ng pagpapalabas ng pelikula ay inulan kami ng dumi ng aircon? Hindi nakain ng apo ko ang hotdog sandwich niya dahil napuno literally ito ng mga butil-butil na dumi na galing sa namatay o pinatay na aircon.
Marami akong nakitang kilalang mukha. Tulad ni Gladys Reyes, na kasama ang kanyang ina, mister na si Christopher Roxas at mga anak. Andun din si Ella Guevarra at ang ama niya. Ang anak ko ngang si Dennis, ilang linggo bago ang premiere showing ng pelikula ay nagpaalam na ito sa publicist ng Solar na si Emy Abuan para manood ng pelikula. Nag-leave ito ng isang gabi sa kanyang trabaho para lamang mapanood ng maaga ang pelikula. Sumama sila sa akin ng misis niyang si Ailynn at ng anak nilang si AJ. Mga fanatics sila ng autobots at kolektor ng mga Transformers. Hinayang nga sila dahil unlike nung unang magpa-premiere ang Solar para sa unang Transformers, may mga for sale na laruan sa labas ng sinehan. Ngayon wala, pero may mga naka-display na toys sa entrance ng Cinema 1.
Sa mga Transformers, pinakasikat si Optimus Prime. Sa mga eksenang absent siya at ‘di nakikipaglaban, hinahanap-hanap siya ng mga bata. Dinig mo ang ingay nila nang finally ay lumabas na ito.
Ang galing pumili ng mga foreign films na iniri-release ng Solar Entertainment na pag-aari ni G. Tieng. Sapul na sapul niya ang taste ng mga moviegoers.
Nakatakda pa lamang ipalabas dito ang GI Joe pero ngayon pa lamang ay nagsisimula nang umingay ito. Alam mo na agad na sa oras ng pagpapalabas nito ay dudumugin na naman ito ng mga manonood.
Isang masigabong palakpakan ang ibinigay ng mga nanood sa Transformer The Revenge of the Fallen matapos ang pagpapalabas nito.
* * *
Kahit sa dinami-rami ng ginagawa ni Piolo Pascual ay hindi nahirapan ang unit ni Deo Endrinal na makuha siya para lumabas sa mga huling araw ng pagtatapos ng Komiks Presents Mars Ravelo’s Nasaan Ka Maruja dahil si Piolo mismo ang may gustong makasama sa serye. Gusto niyang makatrabahong muli si Kristine Hermosa na itinuturing niyang isa sa tatlong pinakamagagandang mukha sa telebisyon.
“Bukod sa maganda ay napakagaling pang artista. Nagkakandahirap na akong mag-pose sa Bench pero siya walang ka-effort-effort pero, magagandang lumabas lahat ng kuha niya,” papuri niya sa aktres na makakapareha rin niya sa pelikula.
Mapapanood ang Komiks Presents Maruja sa kanyang mga huling yugto, tuwing Sabado sa ABS CBN.
* * *
Mapapanood ng live tonight si John Ford Coley sa Metro Bar, West Ave. Siya ang kumanta ng mga hit songs na It’s Sad To Belong, Just Tell Me You Love Me, Love Is The Answer, We’ll Never Have To Say Goodbye Again, I’d Really Love To See You Tonight, etc. Special guest si Faith Cuneta.
- Latest