John naiiyak tuwing titingin sa labi ni Douglas
Delayed ng isang oras ang Cebu-Manila flight namin noong Miyerkules kaya inabot kami ng nakakalokang trapik dahil araw ng simba sa Baclaran na sinabayan ng ulan.
Dumiretso ako sa burol ni Douglas Quijano sa Heritage Memorial Park para sa pamisa ng GMA 7.
Binuksan ang isang chapel dahil sa rami ng mga tao na nakikiramay sa mga naulila ni Douglas at sa mga kaibigan niya na gusto siyang makita sa huling pagkakataon.
Nakita ko kung gaano kamahal sa entertainment industry si Douglas. Ang mga alaga niya ang nag-iistima sa mga bisita.
Nalungkot ako nang makita ang mga nag-iiyakan na bagets mula sa Lucban, Quezon. Sila ang mga bagets na pinag-aaral ni Douglas.
* * *
May nagsabi sa akin na affected na affected si John Estrada sa biglang pagkamatay ni Dougs.
Napapaiyak daw si John kapag tinitingnan nito ang labi ni Dougs. Parang mag-ama ang relasyon nila kaya naiintindihan ko ang nararamdaman ni John. Si Douglas ang takbuhan niya kapag may problema siya.
* * *
Nagkita kami ni Malou Choa-Fagar sa burol ni Douglas. Si Mama Malou ang nagkuwento sa akin na hindi siya nakapunta sa burol ni Douglas noong Martes ng gabi dahil inasikaso niya ang first shooting day ng Spoiled Brat.
Sina Ogie Alcasid at Michael V. ang mga bida sa Spoiled Brat. Si Ogie si Angelina at si Michael ang yaya.
Bago namatay si Dougs, nagkaroon pa sila ni Mama Malou ng negotiation. Tinanggap ni Dougs ang offer ni Mama Malou na gampanan nina Jomari Yllana at Aiko Melendez ang mga role bilang mga magulang ni Angelina.
Matagal nang hindi nagkakasama sa pelikula sina Jomari at Aiko. Ang Spoiled Brat ang kanilang reunion movie. Walang problema sa muli nilang pagsasama sa pelikula dahil best of friends na sina Jomari at Aiko.
* * *
Hindi na ako nakapunta sa presscon ng Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin dahil priority ko ang pagdalo sa misa para kay Dougs.
Pero ipinadala sa akin nina Jhops Cruz at Marian Domingo ng GMA Corporate PR ang aking press kit kaya gusto ko silang pasalamatan.
Ang Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin ang sine novela na pinagbibidahan nina Maxene Magalona at Glaiza de Castro.
Sila ang mga gaganap sa mga role nina Sharon Cuneta at Jackielou Blanco sa movie version na ipinalabas sa mga sinehan noong 1987.
Kasali si Jackielou sa TV remake ng pelikula na pinagbidahan nila noon ni Sharon. Hindi ko na matandaan ang kuwento ng Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin pero nag-hit ito sa takilya dahil kasikatan ni Sharon noon.
Sa totoo lang, mga blockbuster noon ang pelikula ni Sharon. Kita n’yo naman, mga pelikula niya ang ginagawan ngayon ng TV remakes ng GMA 7 at ABS CBN.
* * *
Mamayang gabi ang huling lamay para ka Dougs at si Ben Chan ang magpapamisa at sponsor ng dinner.
Tiyak na mas maraming tao ang pupunta mamaya sa Heritage Park dahil huling gabi na ng burol ni Dougs. Ike-cremate bukas ang kanyang labi at ilalagak ito sa Loyola Memorial Park sa Marikina. Hindi ko alam kung matutuloy ang plano na dalhin din sa Lucban ang abo ni Douglas dahil mahal na mahal niya ang kanyang bahay doon.
- Latest