Paaral ng EB may allowance na P30K
MANILA, Philippines – Madamdamin ang episode nu’ng Sabado, Mayo 23, ng Eat Bulaga! Namigay sila ng biyaya at libreng pag-aaral sa high school sa 30 estudyante sa iba’t ibang probinsiya ng Pilipinas bilang bahagi ng proyektong Eat Bulaga’s Excellent Student Awards para sa selebrasyon ng 30 taong anibersaryo ng programa.
Nagkaiyakan. Luha ng pag-asa sa bawat estudyante pati na ang pamilya nito nang tanggapin ang P20,000.00 cash at high school scholarship mula sa TAPE, Inc. Bukod sa paunang handog, bawat taon ay may allowance na P30,000.00 ang bawat bata. Hahatiin ito sa sampu at ibibigay kada-buwan. Sa susunod na taon, P5,000 naman ang matatanggap ng bawat isa para pambili ng mga gamit sa school at baon araw-araw.
Bukod sa perang naiuwi ng 30 bata, binigyan din sila ng gamit sa school - sapatos, tsinelas, rain boots, kapote at iba pang kailangang gamit ngayong pasukan. Nagbigay rin ng regalo ang sponsors.
Siyempre pa, hindi sa Broadway nagtapos ang kaligayahan ng 30 bata. Nagkaroon din sila ng graduation party sa McDonald’s na sinamahan ng ilang hosts gaya nina Joey de Leon, Tito Sotto, Vic Sotto, Pia Guanio, Ruby Rodriguez, Allan K at iba pa.
Bahagi ang 30 anniversary ng Eat, Bulaga! ang E-BESt Excellent Student Awards bilang pagtanaw ng utang na loob at biyayang tinanggap ng programa simula pa nu’ng nasa Channel 9 ito na nagpapatuloy hanggang ngayon sa GMA 7. Sa halip na gastusin ang malaking pera sa anniversary presentation, ang tumulong sa pag-aaral ng kapuspalad subalit matatalinong estudyante ang pinag-ukulan nila ng pansin.
* * *
Excited si Megastar Sharon Cuneta na mag-host ng isang natatanging beauty pageant sa Sharon ngayong Linggo (May 31) sa ABS-CBN kahit super busy siya sa kanyang US concert tour, pagpo-promote ng pinakabagong album at iba pang mga projects.
Pinamagatang Mega Galactica ’09, ang mga contestants sa pageant na ito ay mga up and coming comedians na magpapagalingan hindi lamang sa pagpapaganda kundi sa pagpapatawa rin. Abangan ang kanilang pag-rampa suot ang makukulay na international costumes. At tulad ng isang tunay na pageant, hindi mawawala ang question and answer portion kung saan siguradong mapapahalakhak ang lahat
Sino kaya ang mag-uuwi ng inaasam-asam na korona? Kasama si Randy Santiago bilang co-host, alamin kung sino sa mga komedyante ang tatanghalin bilang Mega Galactica ’09 sa Sharon.
* * *
Dahil sa walang humpay na suporta mula sa mga manonood, patuloy ang tinatamasang tagumpay ng ikatlong summer special ng Dear Friend, ang Madrasta na pinagbibidahan nina Iwa Moto at Yasmien Kurdi.
Base sa overnight ratings ng AGB Nielsen Philippines, muling nanguna ang Part 2 episode ng Madrasta matapos makapagtala ng 12.6% rating noong nakaraang Linggo, May 24.
Pinangungunahan ng dalawa sa mga drama princesses ng GMA-7 na sina Iwa Moto (Gellie) at Yasmien Kurdi (Sheila), ang bagong season na ito ay umiikot sa kuwento ng isang pamilya kung saan si Iwa ang gumaganap na madrasta ni Yasmien.
Tunghayan ang Part 3 of 4 Madrasta episode ng Dear Friend ngayong Linggo pagkatapos ng S.O.P.
* * *
Ngayong Linggo sa QTV-11 show na Life and Style with Ricky Reyes (10:00-11:00 a.m.) matutunghayan ang dalawang kasaysayan na magsisilbing inspirasyon sa mga nawawalan ng pag-asa sa buhay.
Sa WE (Women Empowerment) hosted by Mayor Marides Fernando ay itatampok si Pomela Villapando na isang simpleng estudyante na sa pagsisikap ay isa na ngayong negosyante ng mga kasuotan.
Gagampanan naman ni SOP Boys member John Collueng ang buhay ni Michael de Vera sa TESDA BIDA. Mula sa pagiging empleyadong maliit ang kinikita’y umunlad bilang 3-D animator si De Vera matapos maging scholar ng TESDA.
Mapapanood din ang Part 2 ng Hairecord Grand Finals ng Fil-Hair Coop na ginanap sa Philtrade Center nung May 12, 2009 na itinanghal ang Fastest Hair Cutter na Pinoy na ang pangala’y malalathala sa Guiness Book of Records.
Nasa larawan ang LSWRR host-producer at Fil-Hair founder and president Ricky Reyes sa victory party kasama ang mga opisyales ng nabanggit na asosasyon at mga winners ng Hairecord event.
- Latest