Pagpapatakbo ng ABS-CBN pinuri
MANILA, Philippines – Pinarangalan kamakailan ang ABS-CBN Broadcasting Corp. and Subsidiaries bilang isa sa pinakamahusay na kumpanya sa Pilipinas noong 2008, base sa 4th Corporate Governance Scorecard Project na isinagawa ng Institute of Corporate Directors (ICD).
Tanging ang Kapamilya network lamang ang broadcast media na pumasok sa top 15 ng nasabing patimpalak, patunay lamang na isa ang ABS-CBN sa mga kumpanya sa Pilipinas na may pinakamaayos na pamamalakad.
Mataas din ang score ng ABS-CBN na 93% sa average score ng mga korporasyon sa bansa na 72%.
Ika-apat na taon nang ginagawa ng ICD ang paggagrado sa mga korporasyon sa Pilipinas base sa pamamahala at mga patakaran ng board of directors nito. Katuwang ng ICD sa pagi-score sa 4th Corporate Governance Scorecard Project ang Securities and Exchange Commission, Philippine Stock Exchange, at Ateneo School of Law.
Ayon kay ICD Chairman Dr. Jesus Estanislao, layon nilang pagtibayin pa ang pagbibigay ng importansiya ng mga korporasyon sa corporate governance dahil malaking bagay daw ito sa maayos na pagpapatakbo ng kumpanya.
Sabi pa niya, importante raw na bigyan ng halaga ng board ang mga tao o kumpanyang nag-iinvest sa korporasyon. Dapat din daw maging tapat at bukas ang board sa kalagayan ng organisasyon at sa mga plano nila rito.
Masasabing matagumpay namang nagawa ang mga ito ng Board of Directors ng ABS-CBN, sa pamumuno ni ABS-CBN Chairman at Chief Executive Officer na si Eugenio Lopez III. Isa naman si ABS-CBN President Charo Santos-Concio sa sampung board members.
- Latest