Kris At Aljur nakakagulat
Naging biruan namin nina Ryan at Judy Ann Agoncillo, nung mabigyan ako ng pagkakataon na ma-interview sila para sa Walang Tulugan sa kanilang post wedding celebration na ginanap sa Le Souffle sa Rockwell, Makati nung Sabado ng gabi, kung sino sa kanilang dalawa ang magba-budget. Aba biniro ba naman akong wala silang pakialaman sa mga kita nila! Ganun!
Ang ganda-ganda ni Juday nang gabing ‘yun sa kanyang powder blue long gown. Kitang-kita sa mukha niya ang kanyang matinding happiness. In love na in love siya sa kanyang mister na guwapong- guwapo rin sa kanyang tabi. Masaya rin si Ryan. Feeling ko nga, hindi nila ma-control ang kaligayahan nila.
May mga nagtanong kung ninong daw ba ako, sabi ko showbiz father lang ako, and that was enough. I’m happy for them. Pero alam ko na sa kasalan sila hahantong kaya matagal ko nang naibigay ‘yung sala set na regalo ko sa kanila. Nun pang mag-guest sila sa Walang Tulugan.
Nagkaroon ng programa. May kantahan. May mga nagsalita, nagbigay ng kanilang wishes. Si Alfie, ayaw magsalita. Pero nagsalita si Mother Lily Monteverde. Ako rin, although feeling ko, hindi ako talagang kasali, ginawan lang ng paraan ni Mommy Carol.
Nakasama ko sa isang lamesa sina Alfie, Mother Lily, Joey Abacan, Annette Gozon-Abrogar, Angge at Marvin Agustin.
* * *
Ewan ko kung sino ang kakatawan kay Guy (Nora Aunor) sa Mayo 16, kapag binigyan kami ng Pasado Awards, si Guy bilang Pinaka-Pasadong Aktres para sa Himala at ako ang Dangal ng Pasado Lifetime Achievement Award. Magaganap ito sa Manila Opera Hotel.
Nagpapasalamat ako sa mga taong nasa likod ng Pasado Awards.
* * *
Napanood n’yo ba ang Fuschia, ang unang pelikula na ipinalabas sa mga sinehan ng SM sa ginaganap na Sine Direk Series? Sayang kung hindi dahil dito nanalo ng Best Actress at Best Actor sina Gloria Romero at Eddie Garcia.
You would have helped send children of movie workers to school. Maraming mga manggagawa ng industriya ng pelikula ang walang trabaho ngayon kaya hindi nila napapag-aral ang kanilang mga anak. Ang kikitain sa Sine Direk ay ibibigay ng APT Entertainment ni Tony Tuviera at ng DGPI o Directors Guild of the Philippines para sa pag-aaral ng ilang mga batang napili nilang pagkalooban ng free education.
Susunod na pelikula ngayong Miyerkules, Mayo 6 ang Ded na si Lolo, obra maestra ni Soxie Topacio, isang komedi tungkol sa mga pamahiin sa patay at ang mga kaganapan sa lamay at mga namatayan. Starring sina Roderick Paulate, Elizabeth Oropesa, Manilyn Reynes, Rainier Castillo, BJ Forbes, Dave Cervantes at marami pang iba. Sana manood naman kayo.
Huwag n’yong sayangin ang apat pang natitirang pelikula - Litsonero, Agaton at Mindy, Bente Kamoteng Kahoy.
* * *
Nagkaroon kami ng remote telecast ng Walang Tulugan sa Dagupan, Pangasinan last week para sa pagdiriwang ng Bangus Festival.
Nasorpresa kami nang ipakilala namin si Kris Bernal dahil dumagundong ang CSI Mall na kung saan ginanap ang programa. Sikat na sikat dun si Kris, walang hindi nakakapanood ng serye nila ni Aljur Abrenica na Dapat ka Bang Mahalin. Kaya naman pala napaka-taas ng ratings ng programa, all time high sa 32%. Wala pang nakakakuha ng ganito kataas na rating sa mga palabas sa hapon. Marami rin itong tinalong primetime shows.
Talagang made na sina Kris at Aljur!
- Latest