Salpukan nina Wilma at Annabelle
Binago ang petsa ng cremation sa labi ni Trina Etong, ang asawa ni Ted Failon. Nang magpunta ako sa Arlington Funeral Homes noong Biyernes, sinabi sa akin ng kapatid ni Papa Ted na ike-cremate ang labi ni Trina sa April 21.
Kahapon, nabalitaan ko na iba na ang date ng cremation, sa April 22 na at hindi April 21. May preliminary investigation si Papa Ted sa April 21, ganap na alas-dos ng hapon at ito ang dahilan na naiisip ko kaya ipinagpaliban ng isang araw ang cremation sa labi ni Trina.
* * *
Kung hindi ako nanood ng news program noong Biyernes ng gabi, hindi ko malalaman na magkaibigan pala sina Trina at Nadia Montenegro.
Napanood ko sa TV ang interbyu kay Nadia na nagpahayag ng matinding kalungkutan sa pagpanaw ng kanyang kaibigan.
Isa si Nadia sa mga unang nagpunta sa Arlington para makiramay sa naulilang pamilya ni Trina.
* * *
Ilang araw nang headline sa mga diyaryo ang kaso ng pagkamatay ng asawa ni Papa Ted. Kanya-kanya rin ng opinion ang mga tao na nakakausap ko.
Basta ako, naniniwala ako na suicide talaga ang naganap na insidente. Walang foul play at lalong walang kinalaman si Papa Ted.
Malinaw ang paliwanag ng driver at mga kasambahay ni Papa Ted. Nilinis nila ang banyo at sasakyan para hindi makita ni Karishma ang nagkalat na dugo ng kanyang ina.
Walang alam sa batas ang driver at mga kasambahay nina Ted kaya walang kamali-malisya nang linisin nila ang lugar na pinangyarihan ng insidente.
Si Karishma ang bunsong anak nina Papa Ted at Trina. Na-meet ko siya noong Biyernes. Kamukhang-kamukha ni Karishma ang kanyang ina. Teary-eyed ang bagets sa tuwing sinisilip sa loob ng kabaong ang nanay niya.
Hindi exposed sa TV at mga diyaryo ang mukha ni Karishma kaya malaya siyang nakakalabas at nakakapasok sa loob ng chapel, na hindi siya inaabala ng mga reporters.
* * *
Sa totoo lang, napakahirap ng kalagayan ni Papa Ted dahil hinuhusgahan kaagad siya ng mga tao na hindi kilala ang kanyang tunay na pagkatao.
Tama ang sinabi ni Kaye na subukan natin na tayo ang lumagay sa kanilang sitwasyon para ating maintindihan ang nararamdaman nila. Si Kaye ang panganay na anak nina Papa Ted at Trina.
Totoo rin ang sinabi ni Pam na kung talagang may kinalaman si Papa Ted sa pagbaril kay Trina, hindi niya kakampihan ang kanyang bayaw. Si Pam ang kapatid ni Trina at naroroon siya sa bahay nina Papa Ted nang mangyari ang trahedya.
* * *
Sa April 24 na pala ang hearing ng kaso na isinampa ni Wilma Galvante laban kay Annabelle Rama.
Tiyak na aabangan ng crew ng mga talk show ang kanilang paghaharap sa korte dahil ito ang first time na magkikita sila pagkatapos nilang magpalitan ng mga demanda.
Na-postpone ng ilang beses ang hearing dahil nag-inhibit ang judge na hahawak sana sa kaso kaya nagkaroon uli ng raffle. Hindi raffle na may premyo ha? Raffle sa judge at branch ng korte na didinig sa kaso ang tinutukoy ko!
- Latest