Richard nabitin sa New York
Noong gabi ng Good Friday nakabalik si Richard Gutierrez mula sa US trip nila ng kapatid na si Ritchie Paul. Bitin ang pamamasyal ng magkapatid sa New York at nangako ang actor na babalik para magbakasyon lang.
Ang maganda lang sa New York trip na ‘yun, nagawang lahat ng actor ang mga binanggit na kanyang pupuntahan, gaya nang panonood ng NBA game sa Madison Square at kasama pa niya sina Rhian Ramos at Rufa Mae Quinto. Mga fans naman niya ang kasamang nag-cruise.
Balita ni Jun Lalin, magti-taping agad ng Zorro si Richard at kung susundin ang schedule, baka hindi na siya natulog at dumeretso na sa Bagac, Bataan para sa taping ng series.
Kailangang magpondo ng episode sa Zorro si Richard dahil sa April 28, sisimulan ni direk Maryo J. delos Reyes ang shooting ng Maybe This Time, ang movie nila ni Anne Curtis na co-production ng GMA Films at Viva Films. Inalam namin kay direk Maryo ang ibang makakasama sa cast, pero “wala pa kami roon” ang sagot nito. Either June or July ang playdate ng movie.
* * *
Umalma ang fans ni Dennis Trillo sa balitang second lead ni Marvin Agustin sa Adik Sa ‘Yo ang actor. Mas magaling daw umarte si Dennis para mag-second lead at gusto nilang ituloy ang Pinoy adaptation ng Coffee Prince kaysa isama ito sa series nina Marvin at Jolina.
Sa e-mail naman ni Aaron Castillo na nagpakilalang fan ni Dennis, bukod sa hindi siya pabor na isama ang actor sa show nina Marvin at Jolina, ayaw din niyang bigyan uli ito ng afternoon soap at fantaserye. Magaling daw ang actor and he deserves a primetime show at malupit na project na magpapakita sa husay niyang umarte. Dagdag pa ni Aaron, kung bibigyan lang ng tamang project, puwedeng maabot ni Dennis ang popularity nina Richard Gutierrez at John Lloyd Cruz. Drama o kaya’y rom-com ang nire-request niyang project para sa favorite niya.
Sa teaser ng GMA-7 ng bago nilang shows, ipinakita sina Dennis at Jennica Garcia, pero walang nakalagay kung anong show ang kanilang gagawin. May hiwalay namang teaser sina Jolina at Marvin para sa Adik Sa ‘Yo. Baka this week na ang storycon nito at malalaman natin kung kumpirmado nang kasama sina Jennica at Dennis sa cast.
* * *
Plano raw ng Makisig Network na dalhin sa ‘Pinas ang isa kina Madonna, Justin Timberlake o ang U2 para sa launching ng Channel [V] Philippines sa June. Aba’y matutuwa ang fans ng tatlo kahit sino man sa kanila ang mapapunta rito ng Makisig Network, altho’ we’ll go for U2 and next to our list is Madonna.
Hindi ang Makisig Network ang unang nakaisip na dalhin dito ang U2 at si Madonna dahil una namin itong narinig kay Jomari Yllana, bago pa man pumasok ang back-to-back concert nina David Cook at David Archuleta, si Madonna o ang Irish Band na pinangungunahan ni Bono ang balak ng Fearless Promotions. Ang problema’y ang schedule ng dalawa’t hindi kasama ang ating bansa sa kanilang tour at sobrang mahal kung ang Pilipinas lang ang kanilang pupuntahan.
* * *
Magsisimula ngayong Linggo, after S.O.P., ang panibagong episode sa Dear Friend entitled Igorota at tampok sina Glaiza de Castro at Polo Ravales. Si Topel Lee ang director four-part love story na kinunan sa Baguio at Banaue at hosts sina Marvin Agustin at Jolina Magdangal.
Sa istorya, magkababata sina Mabel (Glaiza) at Mando (Patrick) at nagulo ang samahan nila nang dumating si Jason (Polo), ang binatang taga-siyudad na inibig ng dalaga. Nasaktan si Mando na matagal nang in-love kay Mabel, pero nanahimik na lang.
Tingnan nga natin kung aariba sa ratings ang first team-up nina Glaiza at Patrick na parehong nag-deny na may ligawang namamagitan sa kanila.
- Latest