Mark Anthony gustong buhayin ang Gwapings
Hindi naman itinatanggi ng Star Cinema na kinonsider din nila si Gabby Concepcion para sa pelikula na pinagsasamahan nina Sharon Cuneta at AiAi delas Alas. Ito ang BFF o Bestfriends Forever. Pero naisip nila marahil na kung magkakasama ang dating mag-asawa sa isang pelikula, dapat ay yung silang dalawa lang at kung may madaragdag mang artista, ito ay yung anak nilang si KC Concepcion.
Agree ako, sayang nga naman kung parang guest role lang si Gabby sa isang movie ni Sharon gayong pwede naman silang magparehang muli. Sigurado pang papatok ang movie nila, lalo’t makakasama nila si KC.
May tatlong linggo nang nagso-shoot ang BFF na kasama rin sina John Estrada, Chokoleit at Joy Viado.
* * *
Wish ni Mark Anthony Fernandez na magkasama sila sa isang project nina Jomari Yllana at Eric Fructuoso, mga kasama niya sa grupong Gwapings. Ang problema, hindi niya alam kung pwede dahil Kapamilya si Eric at siguro maski na si Jomari.
“Ako, I consider myself a Kapuso, an exclusive of GMA 7, hindi man nila hinihingi, ibinibigay ko sa kanila ang buong loyalty ko, dahil dito ako talaga.”
When told na may chemistry sila ni Iza Calzado, sinabi ni Mark na, “Galing ito kay direk Gil Tejada. Ginagawa niyang maganda ang mga eksena namin.”
Itinanggi niya na nagseselos ang misis niya sa mga nakakapareha.
“Hindi totoo, supportive siya sa career ko. Minsan nga sa kanya pa ako nagpapakwento ng mga happenings at balita sa showbiz,” pagtatanggol ni Mark Anthony.
Bago nagsimula ang All About Eve, ang akala niya’y adaptation ito ng Stairway to Heaven. Napanood niya ang serye ng buo sa TV. At gusto niyang gampanan iyong role ng sikat na Korean actor na gumaganap ng Cholo. Pero, hindi lang ito ang gusto niyang gampanan. Gusto rin niyang maging Starzan at Voltes V.
Excited din siyang gampanan si Kenneth sa All About Eve.
“Pinag-aaralan kong mabuti ang script para shoot agad at walang mali. Nagpapapayat din ako para hindi naman nakakahiya kung kailangang makita ang katawan ko. Kahit hindi pang-Mr. Philippines, pang-basketball na katawan lang okay na,” nakangiting sabi ng aktor.
* * *
Isang e-mail sender, si Kristine de Jesus ng Cybertropa of Bea Alonzo, California; Bea-Sam Thread in Pinoy Exchange; at Bea-Piolo in Pinoy Exchange ang humihingi ng balita sa ABS-CBN tungkol sa first solo team project nina Bea Alonzo at Sam Milby.
“Nagpapasalamat kami na nagkaro’n na rin ng katuparan ang matagal na naming ipinakikiusap na proyekto para kina Bea at Sam. Nangangako naman kami ng suporta sa kanila. Tutulong kami sa promosyon ng kanilang movie at hihikayatin naming lahat ang aming mga miyembro na panoorin ang pelikula, locally man o sa abroad,” sey ni Kristine.
- Latest