Triple ang saya sa Game KNB?
MANILA, Philippines - Ang laban para sa P2 milyon ay hindi na laban ng isa sa bago at mas-maaksyong Pilipinas, Game KNB?
Simula Lunes (Apr 13), mapapanood na ang bagong format ng award-winning at longest-running game show ng ABS-CBN, kung saan hindi na solo players kundi mga grupo ng tatlo ang maglalaban-laban para sa premyo.
Asahan ang mga bagong pakulo ng host na si Edu Manzano, na sa Pilipinas, Game KNB? pinauso ang dance phenomenon at Youtube hit na Papaya.
Sa bagong format, walong teams na may tigatlong miyembro ang magbubunuan sa elimination round. Ang unang apat na teams na makasagot ng tama ang siyang papasok sa Taranta Round, kung saan lahat ng manlalaro ay raratratin ng mga tanong.
Sa Diskarte Round naman, maghaharap ang dalawang pinakamahusay na grupo. Bawat team ay bibigyan ng powers upang gamitin laban sa kabilang team. Sa huli, ang grupong may pinakamagaling na estratehiya at pinakamalawak na kaalaman ang siyang magwawagi at papasok sa Million Round para sa P2 milyon.
Ayon kay Edu, ang pagbabago ng format ng Pilipinas, Game KNB? ay paraan ng mga bumubuo sa programa na siguraduhing kapana-panabik ang tanghalian ng bawat Pilipino. Kaya naman hit na hit pa rin ang game show kahit pitong taon na ito sa ere.
Maki-saya at maki-sagot kasama si Edu Manzano at ang mga bigating celebrity players sa bagong Pilipinas, Game KNB, ngayong Lunes (Apr 13) pagkatapos ng Ruffa and Ai sa ABS-CBN.
- Latest