Yanggaw tadtad ng nominasyon sa Star Awards
MANILA, Philippines – Ipinagmamalaki ng Cinema One Originals ang makapanindig balahibong Yanggaw sa panulat at direksiyon ni Richard Somes na nagkamit ng anim na malalaking nominasyon sa 25th PMPC Star Awards for Movies.
Ang mga nominasyong nakamit ng pelikula ay best digital movie of the year, digital movie director of the year para kay Richard, movie actor of the year para kay Ronnie Lazaro, supporting actress of the year para kay Tetchie Agbayani at digital movie cinematographer of the year para kina Hermann Claravall at Lyle Sacris.
Ang istorya ng pelikulang Yanggaw ay umiikot sa isang ordinaryong pamilya sa isang probinsiya na mayroong kakaibang kuwento – ang kanilang babaeng anak ay nagiging isang yanggaw o mas kilala sa salitang aswang.
Bago pa man makamit ang nasabing mga nominasyon sa Star Awards, nanguna na ang Yanggaw sa 2008 Cinema One Originals Digital Film Festival. Nanalo si Somes sa kategoryang best director, si Ronnie naman ang nagwagi, kasama si Mark Gil, para sa kategoryang best actor. Si Tetchie naman ang nakakuha ng best supporting actress at si Joel Torre naman para sa best supporting actor
Isa pang tagumpay na natanggap ng Yanggaw ay ang pagpapalabas ng pelikula sa Hong Kong International Film Festival na naganap kamakailan lamang na may temang Celebrating Excellence in Asian Cinema. Tumugma naman ang tema dahil ang pelikulang Yanggaw ay nagpapakita lamang ng galing ng mga Pinoy sa larangan ng paggawa ng mga pelikula.
Gaganapin ang kapana-panabik na Silver Year ng PMPC Star Awards sa Henry Lee Erwin Theater sa Ateneo de Manila University sa ika-28 ng Mayo, 7 p.m.
- Latest