Magkakaaway sa showbiz Ceasefire
Congrats kina Lorna Tolentino at Pinky Tobiano dahil Gold Album na ang Wings of the Soul, H.O.P.E. Volume 2, itsurang bagong release pa lamang ito sa mga record bar.
Kung magpapatuloy ang magandang benta ng album, hindi malabong magkaroon ito ng Platinum award.
Project nina LT at Pinky ang album. Ang Pinky Cares Foundation at Rudy Fernandez Cancer Foundation ang makikinabang sa benta ng Wings of the Soul.
Lalong ginanahan si LT na mag-promote ng album. Willing nga siya na pumunta sa ibang bansa para i-promote sa TFC ang pet project nila ni Pinky.
Magaganda ang mga kanta sa album at perfect ito na pakinggan ngayong Holy Week.
Sa mga magtitika, buy na kayo ng album para may background music kayo habang pinagsisisihan ang inyong mga kasalanan.
* * *
Inimbitahan na maging speaker sa recent assembly ng Cancer Warriors Foundation sa Crowne Plaza Hotel si Buhay Party List Congressman Irwin Tieng.
Pinaunlakan ni Papa Irwin ang imbitasyon ng foundation na tumutulong sa mga mahihirap na bata na biktima ng iba’t ibang klase ng kanser. Dumalo rin sa assembly ang sikat na WWE wrestling professional na si Batista.
Para sa mga bagets na may sakit na kanser ang next project nina Pinky at LT. Baka type ni Papa Irwin na makipagsanib puwersa kina LT at Pinky dahil pareho ang kanilang magandang motibo, ang makatulong sa mga bata na may sakit na kanser.
* * *
Thank you kay Muchos Grasas, ang loyal reader ng PSN na nagbalita sa akin na successful ang show ng Eat Bulaga sa Atlantic City noong Sabado ng gabi.
Ikinuwento ni Muchos na 7:00 p.m ang show pero 2:00 p.m pa lang, mahaba na ang pila kesehodang napakaginaw ng panahon.
Siguro naman, wala nang mang-iintriga na flop ang show ng Eat Bulaga. Hindi na nila uulitin ang malisyoso at hindi totoong balita na flopsina ang show ng Eat Bulaga sa Los Angeles noong July 2008. Na-guilty ang nag-umpisa ng balita at nag-sorry ito sa kanyang ginawa.
* * *
Ipinapa-greet sa akin ni Markgil Aguirre ng Cabuyao, Laguna ang kanyang mga magulang na sina Zaldy at Laarni. Palagi raw nilang binabasa ang PSN at nagmimintis lamang sila sa pagbabasa kapag nauubos ang kopya.
I’m sure, matutuwa si Mark Gil dahil tiyak na isinunod sa kanya ang pangalan ni Markgil Aguirre.
Napanood ko nga pala kahapon sa TV si Mark Gil dahil sinamahan niya sa ASAP ang kanyang anak na sumayaw, kasama ang mga anak ng ibang mga celebrity.
Kasali sa dance production number ang anak ni Nadia Montenegro, ang anak ni Jestoni Alarcon at ang tatlong anak nina Lani Mercado at Bong Revilla.
Nakikita ko na ang mga future star ng showbiz. Nag-uumpisa na silang mag-aral ng sayaw dahil sa kanilang plano na sundan ang yapak ng mga magulang nila.
* * *
Tahimik ang showbiz sa linggong ito bilang paggunita sa Holy Week. Walang mga presscon at ceasefire ang magkakaaway.
Nagbabakasyon ang mga showbiz personality, artista man o mga reporter. Abangan natin ang pagdating ng next week dahil sure ako na maiinit na showbiz news at scandal ang bubulaga sa atin.
* * *
Nami-miss pala ni Senator Chiz Escudero ang mga Lenten movie na nakasanayan niya na panoorin noong bagets pa siya.
Malabo nang bumalik ang nakaraan dahil bihira na ang mga produ na gumagawa ng mga pelikula na pang-Holy Week kaya classic na ang The Ten Commandments at ang mga katipo nito.
Kung si Papa Chiz ang tatanungin, gusto niyang magisnan ng kanyang kambal na anak ang mga bagay na kinalakihan niya tungkol sa Holy Week. Puwedeng mangyari ang gusto ni Papa Chiz kung ipapamulat niya sa mga bagets ang mga tradisyon na ginagawa ng mga Pilipino tuwing Mahal na Araw.
Buhay na buhay sa probinsiya ang mga tradisyon na sinasabi ni Papa Chiz pero mangilan-ngilan na lang sa Metro Manila ang nagpa-practice ng mga Pabasa. Active na lang ang mga Manilenyo sa Visita Iglesia.
Sa totoo lang, pinakatahimik ang Metro Manila kung Holy Week dahil out of town ang karamihan. Walang trapik sa kalye at konti ang mga tao sa mall.
- Latest