Joey may patutsada sa nagyayabang ng kayamanan
Absent si Joey de Leon sa Startalk kahapon pero nag-taping siya sa kanyang Komentirador bago siya nag-fly sa Amerika para sa show ng Eat Bulaga.
Binigkas ni Papa Joey sa Komentirador ang kanyang tula tungkol sa mga artista na ipinagyayabang ang kanilang mga mamahaling gamit at ari-arian.
Ewan ko lang kung may napa-ouch sa tula ni Papa Joey na punum-puno ng katotohanan. Kung sino ang napa-ouch, sila ang mga guilty dahil nasapol ng tula na nagkumpara sa kanila sa mga Hollywood star na never na ipinagyabang ang mga materyal na gamit. Sa totoo lang, hiram ang mga damit at alahas na ginagamit ng mga Hollywood star na dumadalo sa Oscar Awards.
Heto ang bahagi ng tula ni Papa Joey para sa mga kapakanan ng hindi nakapanood sa Startalk kahapon:
Hindi kusang sasabihin
Kung hindi sila tatanungin at kukulitin
Karaniwan pa nga damit at mga nakabiting alahas
Hiram at arkila mandin
Pinamomodelo lang at walang gastusin
Pag natuwa, designer puwedeng i-give na rin
Oo nga’t datung nila gamit sa spending
Pero di ba dapat tayo’y medyo mahinhin
Bakit sino ba pinagyayabangan natin
Kung hindi ang mas maraming poor na following
May Louis Vuitton at Prada,
Chanel at Hermes
May maraming sasakyan, Ferrari at Mercedes
Meron pa ngang may yate
Alahas at houses
Sana lang you know how to spell yate sa Ingles
Ang yaman natin Oo nga’t dapat enjoyin
Meron pang mas cute
Kung ibabahagi natin
Ang yaman natin bakit kaya kailanganin ipagsigawan,
I-diyaryo at gawing news item
Pagpapakumbaba ang kailangan natin
Sa panahong marami ang walang makain
Gara’t ganda ng mga abubot mo darling
Bakit hindi mo na lang hayaang mapansin
Kahit ano’y hindi ipinangangalandakan
Kahit ano man yan at kahit kabutihan
Paghanga sa kapwa
Di nga dapat abangan
Mahalaga’y hangaan noong
Noong nasa ulunan natin.
* * *
Nagsalita na ng tapos si Alma Moreno, hindi siya kakandidato na mayor ng Parañaque City sa eleksyon sa susunod na taon.
Ang sey ni Ness, konsehal pa rin siya dahil mabait si Mayor Bernabe, ang alkalde ng Parañaque na ka-party niya. Ka-party daw o.
Nasa Parañaque si Alma nang mainterbyu namin kahapon sa Startalk. Magkahiwalay sila ng kanyang asawang si Mayor Fahad Salic dahil nakapirmi ito sa Marawi City.
Ikinuwento ni Alma na madalas na hindi sila nagkikita ng kanyang bagong mister dahil priority nila ang mga trabaho. Kailangan si Mayor Salic sa Marawi City at maraming trabaho si Ness sa Paranaque City.
Nag-promise si Ness na ipapakilala niya sa akin si Mayor Salic. Kailangang magkakilala kami ni Mayor para mabigyan niya ako ng mga perlas. Magaganda ang perlas sa Marawi City ‘noh!
* * *
Malapit na uling maging lola uli si Alma dahil magkakaroon na ng anak sina Vandolph at Jenny Solimao.
Lalake ang magiging apo ni Alma na nangako na susuportahan niya ang mag-asawa. Pinayuhan ni Alma ang kanyang anak at manugang na magmahalan at magkaintindihan,
Siyempre, hindi niya nakalimutan na paalalahanan si Vandolph na huwag masyadong mainit ang ulo at huwag seloso.
Sure ako na namana ni Vandolph ang pagiging seloso sa kanyang ina dahil napakaselosa noon ni Alma. Puwedeng nabawasan na ang pagiging selosa ni Ness dahil nag-mature na siya.
- Latest