George Clooney nasa Boracay din?
Sa Lipa, Batangas maghu-Holy Week si Dingdong Dantes at ang kanyang pamilya at uuwi naman si Marian Rivera sa bahay nila sa Bacoor, Cavite, kaya hindi sila magkakasama. Pero sabi ng aktor, malapit lang ang Batangas sa Cavite at puwede niyang puntahan ang leading lady sa Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang para isama sa Batangas.
Sabi naman ni Marian, ’pag may time siya, sasama siya kay Dingdong, pero priority niya ang pamilya na ngayon lang niya makakasama ng matagal. Nahihiya rin siya at baka makagulo lang siya kina Dingdong.
Nalalapit na ang pagtatapos ng Ang Babaeng…, at pahirap nang pahirap ang mga eksena nina Marian at Dingdong. Bumisita kami sa taping kung saan eksenang kinidnap ni Helen (Angelu de Leon) si Proserfina (Marian) at pinahirapan ng husto. Ilang oras siyang paulit-ulit na umiiyak at nakatali ang dalawang braso na ginawa niya hanggang matapos ang eksena.
May next project na sa GMA 7 si Marian na bawal pang sabihin, pambata raw pero hindi light. Ang description nito sa project ay “mabigat at ’di ganoon kadali.” Sinabihan na raw siyang ikondisyon ang sarili at katawan dahil mahirap ang kanyang gagawin.
Nang tanungin kung Darna ang gagawin niya, hindi na nagsalita si Marian at ang sabi lang, kung ’yon ang ibibigay sa kanya, hindi niya tatanggihan.
“Sino ba ang aayaw sa Darna? Dati, hindi ko inisip na puwede kong gawin yun dahil ’di ko maisip na naglalakad ako sa kalye na naka-two-piece. Kung ibibigay sa akin ngayon, why not? Sa rami nang pinagdaanan ko at ginawang commercial na naka-two-piece ako, parang gusto ko na. Pero hintayin na lang natin ang announcement ng GMA 7 sa next project ko,” sabi ni Marian.
* * *
Kausap namin ang isang controversial at prangkang aktor at pinuri namin ang bagong soap niya dahil puro magagaling ang kasama niya sa cast. Natawa kami sa sagot nito dahil sa halip na sumang-ayon, “hindi lahat magaling sa acting” ang sinabi nito.
Nag-dare kami sa aktor na pangalanan ang sinasabing hindi magaling na kasama niya sa cast ng umeereng soap, pero ayaw nito. Kahit nangako kaming hindi namin isusulat ang kanyang babanggitin, hindi pa rin ito pumayag (’di yata naniwalang mananatiling off-the-record ang babanggiting pangalan). Ang sagot lang nito’y natuto na siyang prumeno.
Dahil sa sinabi ng aktor, ’pag pinapanood namin ang soap, tutok kami sa acting ng buong cast para malaman kung sino sa kanila ang ’di kagalingan sa pag-arte.
* * *
Hindi lang sina Brad Pitt at Angelina Jolie ang natsismis na nasa bansa para mag-attend sa grand opening ng Shangri-La Boracay. Nasa Shang Boracay din daw si George Clooney at nakitang kumukuha ng food sa buffet breakfast time last Friday morning.
Nag-imbita raw ng mga Hollywood superstars ang owner ng Shang Boracay sa grand opening ng hotel, pero hangga’t walang kumpirmasyon at walang makapagpakita ng ebidensya, mahirap itong paniwalaan.
- Latest