Katrina magpapalagay ng sauna sa bahay
Mama Salve, parang lagare ako kahapon dahil tatlong presscon ang pinuntahan ko, ang presscon ni Katrina Halili at ang dalawang presscon sa Annabel’s Restaurant.
Nagpagupit ng buhok si Katrina dahil ang feeling niya, nabibigatan siya sa kanyang mahabang buhok. Nagpagupit daw siya para magbago ang takbo ng kanyang suwerte, hindi dahil wala siyang boyfriend.
Ipinagmalaki ng hitad na malaki na ang kanyang ipinayat. Seryoso raw siya sa pagpapayat dahil kailangang ma-achieve niya ang iniilusyon na size 20 na waistline.
Nakipagpustahan si Katrina na kayang-kaya niya na ibalik sa size 20 ang kanyang size 26 na beywang.
* * *
Nine million pesos ang halaga ng townhouse na binili ni Katrina sa New Manila, Quezon City.
Iimbitahan daw niya ako sa kanyang bahay kapag naayos na ito. Plano ni Katrina palagyan ng sariling sauna ang kanyang bathroom. Pinayuhan ko siya na mag-isip-isip dahil bukod sa magastos sa kuryente, hindi safe ang sauna. Wala raw akong dapat ipag-alala dahil infrared ang magpapainit sa kanyang binabalak na sauna.
Nag-iba ang face ni Katrina nang mabanggit ang name ni JC Tiuseco. Magkaibigan lamang daw sila ni JC kaya hindi siya naniniwala na crush siya ng Pinoy Sole Survivor.
* * *
Ang Makisig Network na pala ang nakakuha sa rights ng Channel V kaya napapanood na ito sa Channel 59.
Si Jacque Ruby ang big boss ng Makisig Network at sa presscon kahapon, ikinuwento niya ang malalaking plano para lalong maengganyo ang mga bagets na panoorin ang Channel V.
Alam na alam ko ang opisina ng Makisig Network dahil kahilera ito ng GMA 7 Network sa Timog Avenue, QC.
Ang nakakaloka, madalas na mapagkamalan na gaybar ang Makisig Network office dahil nasa area ito ng Adonis, Maginoo at ang the height, ng isang gaybar na Makisig din ang pangalan. Ikinuwento ni Jacque na madalas nga na naliligaw ang kanilang mga bisita dahil ang gaybar na Makisig ang kanilang napupuntahan, hindi ang legit na opisina ng Makisig Network.
May mga pinaplano ang management para maayos ang nakakalokang problema pero wala silang balak na palitan ang name ng kanilang booming company.
* * *
Umalis kagabi si Richard Gutierrez papuntang Amerika dahil sila ni Rhian Ramos ang mga guest sa show ng Eat Bulaga sa Atlantic City.
Pagbalik ni Richard, saka niya haharapin ang kaso na isasampa niya laban sa PEP pero depende ito kung hindi babawiin ang kiyeme-kiyemeng report na nakipag-away siya kay Michael Flores.
Nag-deny na ang lahat ng mga artista na nasangkot ang name pero hindi binawi ng PEP ang kanilang article. Nag-apologize lang si Jo-Ann Maglipon dahil na-upload sa website ng PEP ang report kahit hindi pa nararapat. Hindi naayos ang problema dahil hindi happy si Annabelle Rama at ang Gutierrez family sa apology ng PEP.
Alive na alive ang showbiz dahil itsurang Holy Week na, umuusok sa init ang mga isyu!
- Latest