Bangkero Festival ng Pagsanjan may BANDigmaan
MANILA, Philippines - Ipagdiriwang ng bayang Pagsanjan, ang tinaguriang “tourist capital” ng Laguna, ang ika-11 Pagsanjan Bangkero Festival mula ngayong Marso 31 hanggang Abril 4.
Ayon kay Mayor Jeorge (ER Ejercito) Estregan, ang festival ay may paksang Turismo Mismo: Ugat ng Pagkakaisa, Kapayapaan at Kaunlaran! na naglalayong bigyang pansin ang pangangalaga sa kapaligiran at promosyon ng industriyang panturismo ng Pagsanjan.
Itinatag ni Mayor Ejercito ang Bangkero Festival upang ang makasaysayang bayan ay patuloy na dayuhin ng mga turista.
Sinabi niyang ang pagdiriwang ay isang pagpupugay sa kanilang patron—ang Nuestra Señora de Guadalupe, gayundin sa mga bangkero na nagdadala ng mga turista sa Pagsanjan Falls at nagsisilbing “frontliners” sa lokal na industriyang panturismo.
Magkakaroon din nang pagtatanghal mula sa BANDigmaan Battle of the Bands, Bayanihan Philippine National Dance Company, Shirley Halili-Cruz Ballet Company, Douglas Nierras Powerdance, at Sining Katutubo Dance Assembly.
Ang iba pang mga aktibidad ay ang Lakan at Binibining Pagsanjan, Ginoong Pagsanjan Bangkero, Palarong Bangkero at inter-school videoke challenge, street dancing, patimpalak sa drum and lyre, at iba pa.
Para sa detalye, tumawag sa 049-8084057.
- Latest