Pambubuking ni Aljur kay Kris ; Parang Maria Clara kung humalik
Inamin ni Aljur Abrenica na nasanay na rin siyang makipaghalikan dahilan sa mga eksena niya sa panghapong teleseryeng Dapat Ka Bang Mahalin? ng GMA 7 na nagtatampok sa tambalan nila ni Kris Bernal, kasama si Ara Mina bilang seducer niya.
When asked kung ano ang feeling niya sa pagkakaro’n ng maraming kissing scenes ’di lamang kay Ara kundi maging kay Kris, sinabi ni Aljur na, “Natuto na rin ako na magaling humalik dahil kay Ara.”
Pero nang tanungin naman siya kung sino kina Ara at Kris ang mas magaling humalik sinabi niyang “Mas magaling si Ara, si Kris parang Maria Clara ang dating. Pero kahit sinong Pinoy ang tanungin mo, mas type nilang mahalikan ang isang Maria Clara.”
Para sa kanyang trabaho, payag ding makipaghalikan sa kapwa niya lalaki si Aljur kapag hinihingi ng kanyang role.
“Pero mas gusto kong makasama sa ganitong eksena ang mga kaibigan ko, tulad nina Mark Herras, Mike Tan at iba pang close friends ko. Para hindi na mahirap ang adjustment. Pero kung talagang hinihingi ng pagkakataon, kahit sinong artistang lalaki pwede na,” sabi ng aktor.
Dinumog nga pala siya ng mga fans nang makita sa opisina ng Travelpros, Inc. sa 5th floor ng Megamall B nung Biyernes ng hapon. Kinuha kasing official endorser si Aljur ng Travelpros, Inc.’s Beauty Holidays Plus, isang incentive based card membership program na ang lahat ng kliyente ng kumpanya ay makapag-iipon ng puntos sa bawat transaksyong gagawin nila at makukuha ang mga katumbas na puntos nito sa produkto, services, discounts na ibinibigay ng mga ka-partner ng Travelpros, Inc. tulad ng Ricky Reyes Salons at Golden Sunset Resort sa Calatagan, Batangas.
Maaaring gamitin ng mga humahawak ng Beauty Holidays Plus card simula ngayong summer. Sa Mayo 28, 16th anniversary ng Travelpros, Inc. at maaaring manalo ang mga cardholders ng overnight accommodations, libreng air ticket at iba pang mahahalagang premyo.
“Ako rin kukuha ng membership card. Bagay ito sa akin at sa trabaho ko, at dahil mahilig akong mag-travel,” sabi ni Aljur na bilang endorser ay talagang kakailanganing bumiyahe para sa promosyon ng kumpanya.
* * *
Enjoy si Michelle Madrigal sa taping ng Zorro. Kahit malayo ang location nito sa Bagac, Bataan, excited siyang mag-taping. Minsan kahit walang driver ay siya mismo ang nagmamaneho makarating lamang sa set.
“Hindi naman mahaba ang biyahe, mga tatlong oras lang. Maaga na lamang akong bumibiyahe para hindi ako gabihin sa daan at hindi ma-late sa taping.
“Excited talaga ako kahit ang eksena ko ay sinasaktan lang ako ni TJ (Trinidad). Super sabunot talaga siya sa akin. Hindi ko na inaalala ang sakit, mas worried ako na baka mabunot ang hair extension ko.
“Naga-adjust lang ako sa aking pagsasalita, kailangang malalim na Tagalog. Hindi ako nagsasalita ng Espanyol dahil indio ang role ko, isang alipin,” kwento niya na bagama’t isang alipin, isa siya sa tatlong leading ladies ni Richard Gutierrez, gumaganap ng Zorro.
“Kahit ilang araw abutin ang mga eksena ko, okay lang, kapag hindi naman ako kinukunan ay nagdye-jetski ako, kasama si Richard o si tito Eddie (Gutierrez) kapag naro’n ito. Dinala ni Richard ang kanyang jetski sa set at ipinahihiram naman niya,” pagmamalaki ni Michelle.
* * *
Sa 101st episode ngayong Linggo ng Showbiz Central masasaksihan muli ang beauty ni Rufa Mae Quinto. Matagal-tagal ding nawala sa eksena ang sexy star at masasabi siya ng dahilan kung saan siya nagpunta at ano ang kanyang ginawa.
Pahuhulaan din sa atin ng show kung sino ba itong dating miyembro ng isang all-male group na nagbebenta ngayon ng aliw. Naghirap ba siya matapos iwan ang grupo niya?
Kahit nahihirapan ang Showbiz Central sa pagkalap ng mga balitang pang-showbiz dahil may nauuna sa kanilang palabas na may ganito ring format, nagbubunga rin ang kasipagan ng mga reporters ng GMA 7 talk show dahil nakakakuha sila ng mga news na bago at exclusive.
Tulad ni Ara Mina. Kung inaakala n’yong open book na siya, you’re in for a surprise, may malalamang bago sa kanya sa Don’t Lie To Me.
- Latest