Readership ng PSN mas lumawak
Mahigit dalawang dekada na ang Pilipino Star Ngayon. Parang kailan lamang nang magsimula akong magsulat dito nung taong 1986, ikaapat na araw ng buwan ng Agosto. Uso pa nun ang coup de etat, madalas pinag-o-overnight na kami sa opisina, sa umaga na lamang pinauuwi dahil delikado na sa gabi. Ilang ulit ding sinarhan ang gate ng PSN, dating Ang Pilipino Ngayon o APN, dahil sa rally.
Magulo ang panahon nun pero masasabi ko na never naapektuhan ang maayos na pagtatrabaho ng mga tao. Ang nagbigay lamang sa amin ng problema nun ay ang mga tagahanga nina Nora Aunor at Vilma Santos. Huwag mong makanti-kanti ang dalawa at maghuhuramentado na ang mga tagahanga nila.
Maski nun, malawak na ang readership ng PSN. Ilang ulit ko itong napatunayan dahil ilang ulit akong naglagay ng missing persons sa aking columns at lahat sila ay natagpuan, nakita.
Tatlong ulit din akong may pinintasang produkto, isang brand ng pork & beans na sinabi kong puro beans at walang pork. Kinabukasan lamang, isang kahong pork & beans ang dumating sa opisina kasama ang tagapagsalita ng kumpanyang gumagawa nito na nagsabing gusto lamang nilang patunayan na hindi totoo ‘yung isinulat ko.
Ganun din ang nangyari sa isang packed noodles na mayro’n daw hipon pero ni balat ay wala. Dumating din ang ilang produkto na napakaraming hipon ang sahog. Hindi raw ‘yun ginawa para sa akin. Talaga raw maraming hipon ang noodles nila, nataon lamang ako sa isang paketeng walang hipon.
Bumili ako ng isang brand ng water dispenser, pangunahing pangalan ang brand nito sa mga appliances, may kamahalan sa isa ang presyo pero dalawang araw pa lamang ay sira na ang unit ko. Tumawag ako pero wala akong nakausap kaya isinulat ko. Agad may dumating na serviceman sa bahay ko, nabasa ang isinulat ko, at pinapalitan ang unit ko.
Marami rin akong natanggap na pribilehiyo bilang movie writer ng dyaryong ito na simula nung 1986 hanggang ngayong 2009 ay hindi nabawasan bagkus nadagdagan pa ang mga readers.
Mahigit isang taon na akong retirado pero sumusulat pa rin ako ng column sa PSN. Never kong inisip na magsulat sa iba. One column a day lamang ay hirap na ako, daragdagan ko pa ba? Besides, okay na ako sa mga readers ng PSN, marami pa ring bumabasa sa akin.
Kung ibabase ko sa mga reaksyon na tinatanggap ko sa pamamagitan ng e-mail, hinding-hindi nasasayang ang pagod ko. I’m being read. Kakaunti rin ang nagagalit at sila yung mga fans na ayaw tumanggap ng kamalian ng mga idolo nila, mga iniidolong mukha lamang ang ipinagmamalaki at hindi talento.
Pero salamat na rin sa kanila, nagbibigay sila ng kulay sa isang mundo ng make believe. Kahit na itim ang kulay na ibinibigay nila. Somehow, they give challenge, color, and life to my writing.
* * *
Sa ’Pinas, hindi ordinaryo ang isang dalawang taon na bata na nakakabasa na. Ang mga batang may ganitong edad ay hindi pa nagsisimulang magbasa, maaring nagsusulat na sila, nagbibilang pero, hindi pa nagbabasa.
Sa sistemang Doman mula kay Glenn Doman, founder ng The Institutes for the Achievement of Human Potential at nakilala sa kanyang trabaho para sa early development of children, hindi lamang sa pagbabasa dapat simulan ng maaga ang mga bata kundi maging sa math, mobility at sa maraming bagay din.
May librong isinulat si Glenn Doman, ang How to Teach Your Baby To Read na nagsasabing pinakamadaling matutong magbasa ang isang bata bago siya tumuntong ng dalawang taon. At pinakaepektibong guro ang mga magulang ng bata.
Marami pang ibang librong isinulat si Glenn na pinagtulungan nila ng anak niyang si Janet na i-update at i-revise, tulad ng How to Teach Your Baby Math, How to Multiply Your Baby’s Intelligence. May libro ring isinulat si Janet, ang How to Give Your Baby Encyclopedic Knowledge at ang children’s book na Enough, Inigo, Enough.
Marami nang bata ang nabiyayaan ng mga libro ng mag-amang Glenn at Janet. Naging malaking impluwensya rin sa maraming magulang ang kanyang librong What to Do About Your Brain-Injured Children.
- Latest