LDS nabago ang kapalaran
MANILA, Philippines - Ilang miyembro ng Letter Day Story ang nagkaproblema sa kani-kanilang mga magulang dahil tutol ang mga ito sa pagbuo nila ng banda.
“Tulad ng ibang bagong sibol na mga banda, tutol ang mga magulang ko sa pagsali sa isang banda. Ganun din ang mga magulang ng ibang miyembro namin. Ayaw nila,” sabi ng bass player ng Letter Day na si Oliver Agustin.
Pero nagbago ng pananaw ang kanilang mga magulang nang sumali at manalo sila sa Nescafe Soundskool 2008 college band competition. Ang kanilang mga magulang ang naging pangunahin nilang tagahanga.
“Sa Soundskool unang nakita ng mga magulang ko ang aking pagtugtog. Nang marinig nila ang aming musika, sinuportahan na nila ang banda,” sabi pa ni Agustin.
Ayon naman sa vocalist na si Aldrick Yu, naging masaya at ikinarangal sila ng kanilang mga magulang matapos nilang manalo.
Sa kasalukuyan, regular na tumutugtog ang Letter Day Story sa Freedom Bar at Maryric’s. Paminsan-minsan, naiimbitahan sila sa mga independent productions, school events at sa mga barangay fiesta.
Pop punk ang tawag ng Letter Day Story sa kanilang musika. Inilarawan nila ito bilang alternative pop na punk-rooted. Pero kung minsan, sa kanilang mga shows, hinahaluan din nila ito ng reggae, blues o jazz.
“Matatanaw sa bawat awitin namin ang buhay na nararanasan ng aming banda,” sabi ni Aldrick na sumulat sa maraming kanta ng Letter Day Story.
Binuo nila ang banda may anim na taon na ang nakakaraan. Tinatawag pa nila itong Seventh Sign noong araw. Nakapag-record na rin sila at naibenta namang mabuti. Pero nagkaroon sila ng mas malaking oportunidad na makilala nang sumali sila sa Soundskool.
At malaki ang utang na loob nila sa Sponge Cola na nagsilbi nilang mentor na banda.
Pagkatapos ng karanasan nila sa Soundskool, naging mas malapit sa isa’t isa ang mga miyembro ng banda.
- Latest