Award of Excellence naiuwi ng ABS-CBN
Nanalo ang ABS-CBN Broadcasting Corporation ng tatlong parangal mula sa 44th Anvil Awards kabilang na ang Award of Excellence sa kanilang tour services kung saan maaaring makita ng publiko ang pasilidad ng network, mapanood ng live ang mga programa sa studio at matutunan ang kasaysayan ng Philippine broadcasting.
Kinilala ng Anvil judges ang ABS-CBN Studio Tours sa pagtatatag ng mekanismo na magbibigay pagkakataon sa mga Pilipino na makita at maranasan ang makulay na mundo ng TV production sa pamamagitan ng paggabay sa mga panauhin sa loob ng kanilang broadcast complex.
Magpahanggang ngayon ay patuloy na tinatangkilik ng mga subscribers ng The Filipino Channel (TFC), akademya, at mga masugid na manonood ng ABS-CBN ang Studio Tours lalo pa ng mga nais tunghayan ng live ang paborito nilang programa tulad ng Wowowee at ASAP. Para sa karagdagang impormasyon, maaring tumawag sa 416-3211 or 415-2272 loc. 3614/3622.
Samantala, pinarangalan naman ng Anvil Award of Merit ang online newsletter ng ABS-CBN na E-Frequency at programa para sa mga empleyado ng Kapamilya Services.
Ang E-Frequency, ayon sa mga hurado, ay nagpamalas ng natatanging husay sa pagbabahagi ng pinakabagong balita tungkol sa ABS-CBN gamit ang internet kaya naman napagbubuklod ang mga empleyado at napapanatili ang pagiging kaisa ng mga ito sa kumpanya.
Ang Kapamilya Services ng ABS-CBN ang Bronze Anvil (ikalawang pinakamataas na karangalan) para sa librong Kapitan kung saan isinasalaysay ang kuwento ni Eugenio Lopez Jr. at kung paano niya binuo ang ngayo’y pinakamalaking media conglomerate sa bansa.
Ang Anvil Awards ay taunang iginagawad ng Public Relations Society of the Philippines (PRSP) sa mga natatanging programa na nagpamalas ng husay sa larangan ng public relations. Nasa 234 entries ang natanggap para sa 2008 at 104 sa mga ito ang binigyan ng excellence, merit at recognition awards.
- Latest