Kuya Germs naagawan ni Dolphy!
Nakausap ko ang tinaguriang Master Showman ng local entertainment na si German Moreno, Kuya Germs sa lahat at bukod sa pang-iimbita niya sa ikatlong anibersaryo ng itinayo niyang Paradise of Stars sa Mowelfund Plaza na nagbibigay parangal sa marami nating artista hindi lamang sa pelikula kundi maging sa telebisyon, recording at stage, napag-usapan namin kasama si Shalala at ang mga sekretarya niya ang naging simula niya bilang artista sa bakuran ng Sampaguita Pictures.
Sa stage ng Clover Theater nagsimula si Kuya Germs bilang janitor. Nang lumaon ay naging artista na siya at malimit mapasama sa mga Lenten presentations ng Clover. Dito rin siya nadiskubre ni Dr. Jose R. Perez ng Sampaguita Pictures at ginawang artista. Nang lumaon ay pinagkatiwalaan na rin siyang maging direktor sa pelikula. Ilan sa mga dinirihe niya ay mga pelikula nina Nora Aunor at Tirso Cruz lll.
“May mga ginawa rin akong movies na title role ako, tulad ng Papa um Mamaw kasama si Lillian Laing de Leon at O Kay Laking Iskandalo kasama si Chichay na nabuntis ko sa pelikula. Yun ang nagsilbing iskandalo sa istorya.
“Gusto rin sana ni Dr. Perez na i-launch ako bilang comedian. At kung hindi nabili ng RVQ ang Pacifica Falayfay na ginampanan ni Dolphy ay yun sana ang magsisilbing launching movie ko,” pagtatapat ni Kuya Germs.
Wala namang pagsisising nadarama ang host ng Walang Tulugan at nagpasikat ng mga programa sa TV na GMA Supershow, That’s Entertainment, Negosiete, at marami pang iba na pawang napanood sa GMA 7.
“Nakilala rin naman akong komedyante sa pelikula, host sa TV at builder of stars. Marami akong nadiskubre at natulungang mga artista. Hanggang ngayon, may mga tinutulungan pa rin ako pero hindi ko ito ginagawang negosyo, hindi ko pinagkakakitaan, kundi talagang tulong lang.
“Wish ko pa rin na sana ay ma-revive ang That’s Entertainment dahil marami pang naghihintay na mga kabataan na may talento. Pero kahit walang That’s, sa pamamagitan ng programa kong Walang Tulugan, tutulong pa rin ako,” sabi niya.
Siya ang nagpursige para maging City of Stars ang Quezon City na kamakailan ay naipasa ng QC Council, sa kanya ring pangungulit. Itinalaga ang unang Sabado ng Marso bilang selebrasyon nito.
Si Kuya Germs din ang founder ng Walk of Fame Philippines na kung saan ay binibigyan niya ng estrelya ang mga artista na inaakala niyang nakapag-ambag o nakapagbigay ng karangalan sa industriya ng local entertainment. Inilalagay ito sa marmol at ginagawang pathwalk o lakaran sa Eastwood Libis. Meron din nito sa Mowelfund Plaza na tinawag niyang Paradise of Stars na magdiriwang ng ikatlong anibersaryo sa Marso 11, 5 p.m.
* * *
Sa pangunguna nina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at PAGCOR chairman at CEO Efraim C. Genuino, magkakaro’n ng isang Grand BIDA March na lalahukan ng mahigit 500,000 mag-aaral sa elementarya ng mga pampublikong paaralan kasama ang kanilang mga magulang. Layunin nitong maging una at pinakamalaking martsa kontra sa ipinagbabawal na gamot. Isa itong major activity ng Batang Iwas Droga (BIDA) na sinusuportahan ng PAGCOR, mga ahensya ng gobyerno, local government units at maging ng mga non-government organizations.
Lahat ng mga kalahok ay magsasama-sama sa CCP Complex simula 1 p.m., at magmamartsa sa kahabaan ng Roxas Blvd. patungong Quirino Grandstand na kung saan isang libreng konsyerto ang naghihintay para sa lahat. Layunin ng mga organizers na maipasok ang pinakamalaking pagsasama-sama na ito sa Guinness World Book of Records at lumikha ng awareness sa hindi magandang epekto ng droga at ma-educate ang mga kabataan sa masamang epekto nito, bago pa sila mag-high school.
Ilan sa mga endorsers ng BIDA ay sina Roxanne Barcelo, Pauleen Luna, Isabel Oli, Nadine Samonte, Miss Earth winners Carla Paula Henry, Myra Michelle Oblea, Catherine Untalan, at Kristela Lazaro.
Lahat ay inaanyayahan na sumama sa Grand BIDA March.
* * *
Sinuportahan ng marami ang initial telecast ng Imelda Papin in America TV show na naganap noong February 14. Kahit alas siete pa ng gabi ang palabas, alas tres pa lamang ng hapon ay puno na ng maraming fans ang taping venue sa Panorama City, California.
Tinatawag na ngayong new Queen of Las Vegas ang kinilalang Undisputed Jukebox Queen dito sa bansa.
“Nakaka-flatter pero ibig sabihin mas kailangan pa akong magtrabaho ng husto para hindi naman ako kahiya-hiya sa ibinigay nilang titulo,” ani Imelda sa isang long distance interview.
Ang second telecast ng Imelda Papin in America sa LA ay sa susunod na Sabado, March 14, 4-4:30 p.m.
* * *
Ang Sunday night show ni Sharon Cuneta sa ABS-CBN na Sharon ang muling itinanghal bilang Best Celebrity Talk Show ng prestihiyosong Gawad Tanglaw Awards, isang academe-based award-giving body na anim na taon nang nagbibigay ng mga awards sa mga kategoryang movies, television, radio at journalism.
Marami nang awards ang natanggap ng Sharon kasama na ang 2007 Best Entertainment Program mula sa Catholic Mass Media Awards at pinuri rin ito ng Asian TV Awards.
- Latest