Musoleo ni Daboy aabot sa P15 milyon
Back in top shape ngayon si Sunshine Dizon nang ito’y humarap sa entertainment press sa dalawang magkaibang presscons sa loob ng isang araw para sa magkahiwalay na projects, ang presscon para sa suspense-thriller movie na Sundo ng GMA Films na si Robin Padilla ang pangunahing bituin at ang bagong sisimulang primetime TV series na Filipino adaptation ng Koreanovela na All About Eve.
Excited ang dalaga ni Dorothy Laforteza dahil may ilang buwan din itong nagpahinga sa telebisyon at matagal-tagal naman sa paggawa ng pelikula.
Dapat sana’y noong isang taon pa naipalabas ang Sundo kung saan bukod kina Robin at Sunshine ay tampok ding mga bituin sina Katrina Halili at Rhian Ramos mula sa direksyon ni Toppel Lee pero naurong ito para sa Marso 18.
Na-delay man ang showing ng nasabing pelikula, mas nagkaroon naman ng pagkakataon ang GMA Films na lalong mapaganda ang pelikula lalo’t naging malaking hit sa takilya ang isa pa nilang suspense-thriller movie na Ouija na pinagbidahan nina Judy Ann Santos, Jolina Magdangal at Iza Calzado na may tatlong beses na niyang nakasama at isa na rito ang matagumpay na Impostora.
“Isa pong malaking honor para sa akin ang makatrabaho si Kuya Robin (Padilla). Marami na po akong naririnig na magagandang description sa kanya ng kanyang mga nakakatrabaho at ngayon ko lamang lubos na naunawaan kung bakit ganoon na lamang ang paghanga nila sa kanya dahil naranasan ko rin po at ng iba naming mga kasamahan habang ginagawa namin ang Sundo,” pahayag ni Sunshine.
“In my case, kowboy po ako sa set. Madali akong mag-adjust, pero sa kanya (Robin), he will treat you like a princess,” kinikilig na pahayag sa lead actor ng Sundo.
* * *
Pagkagaling namin sa presscon ng Sundo sa GMA 7 nung nakaraang Martes, humabol kami ni Ronald Constantino sa The Heritage Park para sa birthday mass na alay sa yumaong action star na si Rudy Fernandez na ang organizer ay ang wife na si Lorna Tolentino.
Inabutan namin doon ang isa sa mga bosom buddies ni Daboy na si Phillip Salvador, si LT at mga anak nitong sina Ralph at Renz, mga kapatid ni Daboy at ibang kaanak. Naroon din si Manay Lolit Solis, Gorly Rula at ibang kaibigan.
Hindi pa tapos ang musoleo na ipinagagawa ni LT para kay Daboy pero naka-walong milyon na siya. Purong granite ang materyales na gamit kaya malamang na umabot pa ito ng P15M hanggang sa matapos.
Nung Lunes ng alas-11 ng gabi, nagtungo si LT at mga anak niya sa puntod ni Daboy. Kasama ang mga trabahante ng musoleo ay inasalto nila si Daboy pagdating ng alas-12 ng hatinggabi at nanatili sila roon hanggang ala-1 ng madaling araw.
Hindi man nakadalo sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla at ibang mga kaibigan ni Daboy sa misa sa Heritage ay nagbigay naman ng dinner party si Sen. Jinggoy sa kanyang lugar sa Artiaga kinagabihan na dinaluhan ng malalapit na kaibigan at kaanak ng yumaong actor. Ito bale ang unang birthday ni Daboy na hindi na siya kapiling ng mga taong nagmamahal sa kanya.
- Latest