Kumpirmado Toni at Sam may nakaraan
Kung hindi pa dahil sa mayro’n silang ginawang album para sa Star Records na kailangan nilang i-promote, hindi pa mabubulgar at hindi aaminin nina Toni Gonzaga at Sam Milby na nagkaro’n sila ng relasyon in the past at hindi pa ito nagkakaro’n ng closure.
Hindi ko alam kung ang pagkakaro’n niya ng relasyon ngayon sa isang direktor, kay Paul Soriano na gumagawa ng mga komersyal, ang nagbibigay ng lakas ng loob kay Toni na aminin na kung hindi dahil sa pagpapabaya ni Sam ay baka sila pa rin hanggang ngayon.
“It was a case of out of sight, out of mind. Naging busy na si Sam kaya siguro walang nangyari, hindi nagtagal, walang follow-up,” katwiran ni Toni na unlike Sam ay walang atubiling aminin ang nakaraan. Medyo hesitant pa si Sam na nagsabing it was meant to be. “She’s happy now with someone,” paliwanag niya.
May album ang dalawa, ang Love Duets na kahit ginawa nilang magkahiwalay sa Star Records ay kagigiliwan pa rin ng mga romantiko siguro dahil nga andun pa rin yung nabuong closeness sa kanilang dalawa sa ilang ulit nilang pagpapareha sa You Are the One, You Got Me at My Big Love. Hindi man nila aminin, meron pa rin silang damdamin sa isa’t isa, hindi man pag-ibig pero isang tunay na pagkakaibigan.
After launching several successful albums individually na lahat ay nearing platinum marks, naisip ng big boss ng Star Cinema na si Malou Santos na pagsamahin sila sa isang album, ito ngang Love Duets na kung saan ni-revive nila ang mga awiting Sometimes When We Touch/After All medley, Time of My Life, Against All Odds, Cruisin’, Back Into Love, In Love With You, If Ever You’re In My Arms at You Are the One. Ang carrier song ng album, Suddenly, ay paboritong patugtugin sa radyo at palaging hinihiling ng mga tagapakinig.
Sa Love Duets muling pinatunayan ng dalawa na isa silang paboritng loveteam, sayang nga dahil kung hindi sa kapabayaan ni Sam, they could have been a real tandem.
* * *
Lagot si Stanley (Spanky Manikan), hindi na niya basta-basta maaapi ngayon ang mag-inang Loretta (Mylene Dizon) at Audrey (Kim Chiu) sa napakagandang seryeng Tayong Dalawa. Umuwi na kasi ang kapatid ni Loretta mula sa pagtatrabaho nito sa Amerika. Hindi tulad ni Loretta na api-apihan ng kanyang asawa’t biyenan (Anita Linda), palaban at matalino si Angela (Jodi Sta. Maria).
Huling serye ni Jodi ang Palos. Nang malaman nito na makakasama siya sa Tayong Dalawa ay talagang na-excite siya.
“Paano kasi ang galing ng cast ng Tayong Dalawa, lahat awardee sa acting, nakakakabang makaeksena sila, marami pa akong bigas na kakainin, tapos ang taas-taas pa ng ratings ng show. Talagang matsa-challenge ako,” pag-amin ni Jodi na isa ring best actress, sa 10th CineManila Film Festival para sa isang digital film na ginawa niya.
Inamin ni Jodi na wala siyang kontrata sa ABS-CBN, Star Magic talent siya. “At home ako as Kapamilya,” dagdag pa ng aktres who has received inquiries from ABS-CBN’s rival station.
* * *
Matapos ang maraming kontrobersyang lumabas tungkol kay Heart Evangelista, sasagutin na niya finally at bibigyang linaw ang napakaraming isyu na lumabas sa isang one-on-one interview with DJ Mo Twister ngayong hapon sa Showbiz Central.
* * *
Susubok na rin sa pag-aartista ang singer at finalist ng Philippine Dream Academy Season 1 na si Chad Peralta. Kumuha na ito ng workshop bilang paghahanda para rito. Nagustuhan niya ang experience nang una siyang sumabak sa acting sa Your Song episode nina Zanjoe Marudo at Mariel Rodriguez. Kung sakali, gusto niyang makapareha sina Bea Alonzo, Maja Salvador at ang dating kasamahan sa PDA na si Gemma Fitzgerald.
Bagama’t isinilang at lumaki sa Australia, tubong Balanga, Bataan ang kanyang mga magulang. Kamakailan ay nag-concert siya rito na ang ama niya ang producer. Umuwi rin siya ng Australia para dalawin ang kanyang kapatid at makasama ang kanyang pamilya sa Pasko.
Bago sumabak ng todo sa pag-aartista, pinaghahandaan ng husto ng guwapong singer ang pagsali niya sa Celebrity Boxing ng ABS-CBN. Isa itong matagumpay na palabas na boxing show ng ABS-CBN na pinanalunan ni Jordan Herrera at ang host ay si Cesar Montano. Si Carlos Morales ang host ng second season na sasalihan ni Chad at iba pang artista na mahilig sa sport na boxing.
For his 24th birthday, nagluto siya ng spaghetti at barbecue nung birthday niya and he shared it with his friends RJ Jimenez, Jay-R Siaboc, and Chaddiks.
- Latest