Expedition ni Jake Cuenca niratrat
Wala raw kaaway ang aktor na si Jake Cuenca matapos mabutas at mawasak ang windshield ng kanyang mamahaling sasakyan. Pinagbabaril ito at pinagbabato ng malalaking tipak na bato ng hindi nakikilalang suspek habang nakaparada ito sa harap ng kanyang bahay sa Mandaluyong kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Senior Supt. Carlos de Sagun, hepe ng Mandaluyong City Police, patuloy ang imbestigasyon nila upang matukoy ang namaril sa kotse ng aktor (Juan Carlos Cuenca sa tunay na buhay, 21 anyos at isa sa mga bida ng Tayong Dalawa.
Wala umanong nalalamang kaaway ng aktor ang kanyang pamilya na puwedeng pagmulan ng pamamaril kaya pinalalagay na biktima lamang ang sasakyan ng mga taong gustong manggulo sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Danilo Patoc, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may harap ng DSL building pagitan ng 27 Mayon St., at Boni Avenue, Brgy. Malamig sa nasabing lugar ganap na alas-4:00 ng madaling araw.
Bago ito, kauuwi lamang ni Cuenca sa kanyang bahay sa DSL building, Brgy. Malamig dito kasama ang driver sakay ng isang Ford Expedition (RTG-833) para magpahinga matapos ang business meeting saka ipinarada ang nasabing sasakyan sa may nasabing lugar ganap na alas-2 ng madaling araw.
Ilang oras ang lumipas, ayon sa ulat, ilang mga residente ang nakarinig ng malalakas na putok ng baril mula sa pinagparadahan nito hanggang sa matuklasang may mga tama na ng bala at basag ang salamin ng sasakyan ng actor.
Samantala, ayon sa isang Antonio Orienza, bago umano ang pamamaril ay nakita niya ang isang itim na sport utility vehicle na huminto malapit sa nakaparadang sasakyan saka mabilis na tumalilis patungong Makiling St. sa lungsod.
Tinitingnan ngayon ng mga awtoridad kung may kinalaman ang nasabing sasakyan sa nasabing insidente. (RICKY TULIPAT)
- Latest