Hero nagpa-picture sa kabaong!
Paulit-ulit ang tanong at hindi rin binabago ni Jennylyn Mercado ang sagot na kaibigan lang niya ang nali-link sa kanyang si VJ Andrei Felix. Hindi na rin nagpaliwanag ang aktres kung bakit present ang lalaki sa binyag ng anak niyang si baby Alex Jazz, gayong hindi niya pinapunta sa binyag ang mga ninong at ninang ng anak.
Sabi ni Jennylyn, wala pa sa agenda niya ang muling umibig at career at pagpapalaki sa anak ang kanyang priority. Pasasalamat ito na ibinalik ang tambalan nila ni Mark Herras sa Paano Ba ang Mangarap? na pilot telecast na sa February 16 sa direksyon ni Joel Lamangan.
“Wala munang love sa buhay ko, hindi ko na nga alam ang definition ng love sa akin. Si Andrei ay matagal ko ng friend at alam ito ni Mark. Friend din sila ni Patrick (Garcia), pero hindi best friend at hindi totoong nagalit si Andrei kay Patrick sa nangyari sa amin,” paliwanag ni Jen.
* * *
Nakausap ng isang executive ng GMA 7 si Carla Abellana at itinanggi nitong nag-comment siya ng hindi maganda laban kay Marian Rivera. Ang totoo’y hanga siya sa aktres at sa trade party ng network, nagpakuha pa siya ng litrato kasama ito.
Timing ang paglilinaw ni Carla sa issue dahil may ilang fans si Marian na nagalit sa kanya dahil sa comment niyang “cum laude ako,” nang banggitin na pareho silang graduate ng La Salle. Na-misinterpret lang daw siya.
Middle of this year gagawin ni Carla ang Rosalinda at sasailalim siya ng acting workshop. Pinipili na ang makakapareha niya at walang dapat ikabahala ang naligalig na mga fans nina Marian at Dingdong Dantes dahil hindi raw ang aktor ang ipapareha kay Carla.
* * *
Sa Walang Tulugan ni German Moreno na lang puwedeng mag-guest ang Kapamilya talents gaya nina Gary Valenciano, Billy Crawford at Karylle. Sa first part ng show na napanood noong Sabado nag-guest si Gary at sa part two na eere sa February 14 lalabas si Billy at Karylle. Guests din sina Joanna Ampil, Sexbomb Girls, Gian Magdangal, Iza Calzado at KC Concepcion at Richard Gutierrez na magpapasalamat sa nanood ng When I Met U na graded B ng Cinema Evaluation Board.
Twelve years na ang Walang Tulugan, number one sa GMA Pinoy TV, kaya dapat lang bongga ang selebrasyon nito at kasama rito ang pag-iimbita ng talents ng ABS-CBN. Mainit pa rin ang trato ni Kuya Germs at mga taga-Channel 7 kina Billy at Karylle kahit exclusive ang contract nila sa Kapamilya network.
* * *
Hanggang March na lang ang kontrata ni Hero Angeles sa GMA 7 at kung o-offer-an siya ng renewal ng contract, tatanggapin niya dahil maganda ang trato sa kanya ng management at sunud-sunod ang project niya. Nasa Luna Mystika pa rin siya at may special participation sa Paano Ba ang Mangarap? sa role ni Jay Ilagan.
Four days lang nag-taping si Hero sa role niyang si Benny, pero na-challenge siya ng husto lalo na nang humiga siya sa ataul. Nahirapan siya’t kailangang pigilan niyang huminga at ’di niya naririnig kung nagka-cut na si direk Joel Lamangan. Hindi takot humiga sa kabaong si Hero dahil bago iligpit ang kabaong, humiga uli siya at nagpa-picture. ’Kaloka!
Walang girlfriend si Hero at inaming crush si Nadine Samonte na sayang at may boyfriend na. Nakita niya ang aktres sa shoot ng plugging ng GMA 7 at iba ang dating nito sa kanya.
Sabi ni Hero: “Unang tingin ko pa lang, gusto ko na dahil iba ang beauty niya at iba ang dating niya. Hindi kami nag-usap masyado’t ‘hi’ at ‘hello’ lang kami. Hanga ako sa talent niya na puwedeng bida at puwedeng kontrabida. Puwede rin siya sa daytime drama at primetime soap, ang galing niya.”
- Latest