Kuya germs nagdiwang sa City of Stars
Kung hindi n’yo pa alam, sa bisa ng resolusyon No. SP 1017, S98 na pinamunuan ni Konsehal Antonio Enrile Inton, Jr. at sinusugan ng lahat ng konsehal ng lungsod, kinikilala na ang Quezon City bilang City of Stars. Bukod pa ito sa resolusyon SP 2007, S-2003 na nagtatakda sa ikalawang Sabado ng Marso bawat taon bilang City of Stars Week. Sabay na ipagdiriwang sa araw na ito ang Mowelfund Day.
Matatandaan na nung panahon pa ni dating Konsehal Dingdong Avanzado, sa pakiusap na rin ni German Moreno, sinimulan ang pagpapasa ng resolusyong ito. Nang matapos ang termino ng nasabing konsehal ay wala nang nagpatuloy ng pagsususog dito. Isang matagal nang pangarap ito ng tinaguriang Master Showman at Builder of Stars.
Sa lungsod na ito matatagpuan ang mga pangunahing istasyon ng telebisyon gaya ng ABS-CBN, GMA 7, PTV 4, Studio 23, QTV 11, RPN 9, IBC 13, TV 5 at mga recording studios tulad ng Viva Music, Alpha Records, OctoArts, Viva Records, Star Records, Universal Records at BMG Music Pilipinas.
Tahanan din ang lungsod ng malalaking movie production outfits, ang Sampaguita-VP Pictures, FPJ Productions, LVN Studios, Regal Films, Viva Films, Seiko Films, OctoArts Films at Star Cinema.
Pangarap sana ni Kuya Germs na sa Quezon Avenue patungong Quezon Circle itatag ang kanyang Walk of Fame Philippines na nung mga panahong simulan niya ito ay malabo pang magkaro’n ng katuparan ang pagiging City of Stars ng Quezon City. Kaya nang mag-alok ang Eastwood Libis na gawin niya ito sa nasabing lugar ay agad pumayag si Kuya Germs kahit pa sa sariling bulsa niya nanggaling ang gastos para dito. Meron ding katulad ng Walk of Fame Libis sa Mowelfund Plaza. Kung sa Eastwood ay mga gold stars ang kinasusulatan ng pangalan ng mga artista, mga marble blocks naman ang nasa Mowelfund Plaza. Gastos din ito ni Kuya Germs.
Sa nasabing monumento rin ng dating pangulo ng bansa na si Manuel Luis Quezon ninais ni Kuya Germs na magtayo ng isang malaking teatro na kung saan pwedeng magdaos ng mga premiere at awards nights. Kasama na rin ang pagtatayo ng isang parang museum na lahat ng memorabilia ng mga ginawang lokal na pelikula ay matatagpuan.
Sa pagiging City of Stars ng QC, malaki na ang pag-asa na ito’y magkaroon din ng katuparan. Alalahanin natin na malaking halaga ang gugugulin para rito pero, kung magsisilbi naman itong atraksyon ng lungsod, isang tourism project, pasasaan ba’t hindi magagawa ng lungsod na pondohan ito.
Sa ngayon, isa nang dream come true hindi lamang para kay Kuya Germs kundi sa lahat ng mga taga-Kyusi ang pagiging City of Stars ng kanilang lungsod.
* * *
Nakita ko sa radio program ni Kuya Germs ang aktor na si Toffee Calma. Kasama ang kapatid sa panulat na si Archie de Calma, nagpu-promote ito ng ginawa nilang indie film na Showboyz. Kasama sa cast ng pelikula sina Kristofer King at Topher Barretto.
May limang taon ding nawala sa pelikula si Toffee. Nag-model ito sa Thailand, sumabak sa negosyo at sa teatro. Comeback movie niya ang Showboyz na ngayong Miyerkules, Pebrero 11 ay magkakaro’n ng premiere showing sa UP Film Institute. Magsisilbing closing film ito sa Pebrero 18 ng Curiosity Film Festival ng Robinsons Galleria. Sa Marso ang regular showing nito.
Parehong transgender ang role nina Toffee at Archie sa nasabing indie movie.
* * *
Dalawang ulit nang nae-X ng MTRCB ang indie film na ginawa nina Lovi Poe at Joem Bascon, ang Walang Hanggang Paalam. Tinututulan at ipinaaalis ng nasabing ahensya ang blowjob scene nina Rico Barrera at Jake R. pero, nakita pa rin ito sa ikalawang pagpapa-screen ng pelikula kung kaya nabigyan ito ng ikalawang X.
Incest ang tema ng pelikula na kung saan ay mag-aama sina Jacky Woo at Lovi Poe pero hindi nila alam. Sumamang magtanan si Lovi kay Joem, pero na-in love siya sa malaki ang katandaan sa kanyang si Jacky.
- Latest