Lola Basyang isinalin sa sayaw ni Lisa
Matapos ang matagumpay na pagtatanghal ng Tatlong Kuwento ni Lola Basyang ng Ballet Manila nitong nagdaang Kapaskuhan, makikita na ang naturang palabas sa Star City tuwing Sabado, alas-siyete ng gabi, sa Aliw Theater.
Pinagsamang sayaw at musika ang tampok sa Tatlong Kuwento ni Lola Basyang na lalo pa’ng pinaigting ng mga engrandeng kasuotan at disenyo ng set. Pawang mga kuwentong kapupulutan ng aral ang makikita dito - Ang Prinsipe ng mga Ibon, Ang Kapatid ng Tatlong Marya, at Ang Mahiwagang Bituin.
Ito pa lang ang kauna-unahang pagkakataon na isinalin ang mga akda ng kilalang kuwentistang si Lola Basyang sa sayaw.
“Ito ay isa sa pinakamalaki naming proyekto, at masayang-masaya kami na naging mainit ang pagtanggap dito noong Disyembre,” ani Lisa Macuja, na siyang artistic director at principal dancer ng Ballet Manila.
Ayon pa rin sa kanya, bagong koreograpiya at orihinal na musika ang ipapamalas ng palabas. Ito ay base sa serye ng mga aklat na nilathala ng Anvil Publishing – mga klasikong akda ni Severino Reyes na binigyan ng sariwang interpretasyon ng manunulat na si Christine Bellen.
Mabibili ang tiket sa halagang P100. Para sa karagdagang detalye, tumawag sa telepono bilang 832.6121 - 25.
- Latest