Jennylyn 'di nakalimutan ang bagong BF sa binyag ng anak
Totoong maputi na ngayon si Jinky Oda. At parang gumanda pa siya. Ito marahil ang dahilan kung bakit ipinatatanggal ng isang kalabang produkto ang lahat niyang billboards na ipinagawa ng Ysa Skin Care Corporation para sa promosyon ng GlutaMAX, ang produktong iniendorso ngayon ni Jinky. Nagtataglay ang mga billboards ng dalawang larawan ni Jinky, ang isa ay nung bago siya gumamit ng GlutaMAX, na negrang-negra pa siya, at ang ikalawa ay matapos siyang gumamit ng GlutaMAX ng may ilang panahon.
“Hindi ko expected na puputi talaga ako. Napuna ko lamang na makaraan ang ilang araw ay may mga sumasamang parang maiitim na libag kapag nagsa-shower ako,” kuwento ni Jinky.
Turning 40 na si Jinky at isang malaking selebrasyon ng kanyang birthday.
Bukod sa kanyang trabaho bilang isang sing-along master, abala si Jinky sa pagsasanay para sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos. Araw-araw, bago mag-alas otso ng umaga ay nasa Every Nation Leadership Training na siya na inaabot ng hapon bago matapos. Inamin niya na hindi lamang ang kanyang balat ang nagbago, nagbago rin ang pananaw niya sa buhay simula nang mag-training siya for ministry.
“Hindi na ako bakla, babae na ako ngayon,” pagmamalaki niya.
Hindi rin nagbago ang kanyang peformance sa mga sing-along bars. “Alam naman ng mga nanonood sa akin na kahit minsan parang bastos ang dating ko sa stage, palabas lang ito, gusto ko lang silang pasayahin,” paliwanag niya.
Walang lovelife si Jinky at mag-isa niyang itinataguyod ang pagpapalaki sa kanyang anak na lalaki na 14 years old na.
“Hindi ko pinoproblema ang lalaki, darating din siya sa tamang panahon,” dagdag pa niya.
* * *
Hindi naman pala dapat magtampo si Patrick Garcia kung hindi man siya naimbitahan ni Jennylyn Mercado sa binyag ng anak nila. Maski nga ang ninong na si Mark Herras ay hindi rin inimbita. Ang hindi lamang daw na-forget ay ‘yung guy na madalas na kasama ni Jennylyn ngayon at sinasabing pinaka-malapit sa puso niya. Totoo ba ito, Jennylyn?
* * *
Mukhang may isang magaling na kontrabida na malilikha sa mga katauhan nina Agot Isidro at Helen Gamboa sa seryeng Tayong Dalawa. Galit na galit ang mga kasambahay ko sa dalawang aktres na magkatulong sa pagpapahirap sa pamilya ni Gerald Anderson.
Pero hanga rin sila kay Cherry Pie Picache dahil kung dati ay ito ang nang-aapi, ngayon siya naman ang inaapi. At effective siya sa dalawang magkaibang roles. It’s Helen who is surprising the audience dahil salbahe ito ngayon. Hanggang sa the end kaya ay bad siya?
* * *
Binubuksan muli ng nangungunang Pinoy movie cable channel Cinema One ang pinto para sa mga entries ng 2009 Cinema One Originals Digital Movie Festival!
Sa ika-limang taon nito, nagsisilbing daan ang Cinema One Originals 2009 Movie Festival para sa mga direktor, manunulat at maging ang mga film enthusiasts upang bigyang buhay ang kanilang mga orihinal na konsepto. P1,000,000.00 ang ipagkakaloob sa bawat isa sa limang mapipiling finalists upang magawa ang pelikula. Ang festival at awards ay magaganap sa Nobyembre 2009.
Maaaring i-submit ang entries sa pamamagitan ng CD o hard copy, personal man o snail mail, sa Cinema One Office sa 8th floor, ELJ Communications Center, Lopez Drive, Quezon City. Hanapin si Lani de Guzman mula Lunes hanggang Biyernes, 9:00 a.m.-6:00 p.m.
- Latest