Ruffa at AiAi pinalitan sina Boy & Kris
Hindi naman mawawala ang pang-umagang programang Boy & Kris, ililipat lamang ito sa bagong oras ng Primetime Bida ng ABS-CBN at bilang kapalit, isang bagong programa ang mapapanood ng mga televiewers, ang Ruffa & Ai, isang bagong tambalan na inaasahan ng Dos na magpapasaya sa umaga ng mga manonood ng telebisyon.
Ang tambalang Boy Abunda at Kris Aquino naman ay mapapanood pa rin sa umaga sa isang entertainment news program na may pamagat na SNN: Showbiz News Ngayon. Magiging ka-back-to-back ito ng Ruffa & Ai simula sa Pebrero 16, Lunes hanggang Biyernes.
Dalawa lamang ito sa mga pagbabagong gagawin ng ABS-CBN simula ngayong buwan ng Pebrero bilang pasasalamat sa mga TV viewers sa kanilang walang sawang suporta sa network.
Magbabalik din si Maricel Soriano sa Pebrero 23 sa Florinda, isang nakakatakot na namang palabas na pangatlong handog ng Susan Roces Collection.
Pero isang bata na naman ang magpapakirot sa puso ng mga manonood ng TV. Siya si Santino, isang miracle boy, ang main character ng May Bukas Pa, sa Pebrero 2 na.
Mapapanood din ngayong Pebrero ang pinakabagong super hero sa telebisyon, si Flash Bomba, isa pang character ni Mars Ravelo na tulad nina Captain Barbell Lastikman, Tiny Tony at Dragonna ay magtatangkang gawing ligtas ang daigdig sa mga masasamang elemento na gamit ang kanyang mga malalaking kamay at paa.
Tinawag siyang Superhero For All Seasons hindi dahil anak siya ng isang governor-actress kundi dahilan sa ang character na ginagampanan niya ay mahilig sa limelight at gusto ng atensyon ng lahat ng tao. Bida rito si Luis Manzano at sina Roxanne Guinoo, Sid Lucero, Lito Pimentel, Nanette Inventor, Allan Paule, Empoy at Rio Locsin.
* * *
Hindi ko naman alam kung bakit pinipilit lagyan ng romansa ang magandang relasyon nina Richard Gutierrez at KC Concepcion gayong obvious naman na good friends lamang sila. At sa isang magandang pagkakaibigan pwedeng magsimula ang isang magandang relasyon o isang magandang pelikula. Kailangan lamang ay isang magandang istorya at isang magaling na direktor ang mag-execute nito. At sa isang eksena pa lamang ng kanilang movie na When I Met U nang sa isang supermarket ay aksidente sana nilang makakatagpo ang nobya ni Richard na si Iya Villania pero umiwas sila at ang pag-iwas na ginawa nila ay talagang nakakatawa.
Nakakakilig din yung eksena nila sa isang kasal na kung saan, sila pareho ang nakakuha ng bouquet at garter ng mga ikinasal. Maski na ang direktor na si Joel Lamangan ay nasorpresa dahil hindi niya akalain na makakagawa siya ng ganun kakilig na eksena.
Sinabi rin ng dalawa na marami silang kissing scenes pero hindi nila sinabi kung ilan at hindi na ito mahalaga dahil sa 10 revisions na ginawa sa script, nakasisiguro na ang mga manonood na isang magandang pelikula ng mapapanood nila.
Ang When I Met U ay kinunan sa dalawang matulaing lugar sa Pilipinas, ang Coron, Palawan at Subic.
* * *
Natapos na rin ang pinakahuling Christmas celebration na ibinigay sa entertainment press ng pamilya Revilla: Sina Bong, Lani at Andrea Ynares.
Literally na umulan ng pera sa nasabing party na ikinatuwa ng mga nanalo, dahil mabibili na nila ang gusto nila. Hindi na sila mahihirapang mag-uwi pa ng mga inaayawan nilang rice cooker, microwave oven, electric fan, iPod at kung anu-ano pang appliances na mabibigat dalhin.
After his stint sa Optical Media Board (OMD), pagpapaunlad naman ng kalusugan ng tao ang isinusulong ni Sen. Bong sa pamamagitan ng kanyang Nutrition Modernization Bill.
Kagagaling lamang niya ng Cebu na kung saan ay nakipagdiwang siya sa Sinulog Festival kasabay ng pagbibigay ng milyong pisong medical assistance at P10 M infrastructure fund mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
- Latest