Clone ni Rufa Mae bibirit
Isa sa pinakahindi makakalimutang bahagi ng showbiz career ng kinikilalang perfect clone ni Rufa Mae Quinto na si Rufa Mi ay nang sumali siya sa search ng Eat Bulaga para sa EB Babes. Natalo siya at nagkataon pa namang ang naging judge dito ay si Andrew de Real o kilala sa tawag na Mamu na bossing ng The Library na kung saan ay tatlong taon nang isang sing-along master si Rufa Mi.
Si Mamu rin ang kumuha sa kanya para maging in-house talent ng The Library. Nagulat pa ito nang makita niya sa biodata ni Rufa Mi na natalo ito sa pakontes ng Eat Bulaga. Ito rin ang nag-challenge kay Rufa Mi na mag-concert na magaganap din sa The Library sa February 3. Pinamagatang I Am Me, Rufa Mi, susuportahan siya nina Wally Bayola, Sugar Mercado at Rowell Quizon.
“Long overdue na siya, dapat nga last year pa siya nag-concert,” sabi pa ni Mamu.
Sa concert ipamamalas ni Rufa Mi ang kanyang talent sa pagkanta, hosting at comic sketching. Si Andrew rin ang magdidirek ng show.
* * *
Naimbita ako at ilang entertainment writers sa remote telecast ng ASAP nung Linggo sa Xevera Mabalacat, isang komunidad na proyekto ng Globe Asiatique.
Impressive ang lugar dahil matatagpuan sa loob nito hindi lamang ang mga bagong gawang bahay na available sa murang halaga kundi ang lahat ng amenities na ordinaryong nakikita sa mga subdibisyon at may karagdagan pang eskwelahan, munisipyo, simbahan, wet & dry market, supermarket, dalawang commercial centers at may sarili pang amusement park. Yes, hindi na kailangan ng mga residente na dumayo pa sa Pasay o sa Laguna dahil may sarili na silang karnabal.
Nagdulot lamang ng napakasikip na traffic ang pagbubukas ng Xevera Mabalacat hindi lamang sa mga tagaroon kundi maging sa mga nagdaraang motorista.
Ang ASAP na dinayo namin para mapanood ay sa malayuan na lamang namin nakita, ’di na namin mamukhaan ang mga performers bagama’t dinig na dinig namin ang mga boses nila. Kahit sagad ang sikat ng araw ay talagang napakarami ng tao. At para hindi mahuli sa show ang mga performers ay dun na silang lahat nag-overnight.
* * *
Kasama pala si Rayver Cruz sa sequel ng napaka-matagumpay na A Very Special Love na muling magtatampok sa tambalan nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo. Matagal na sinimulan ang shooting ng movie na may post Valentine playdate. Siguro ang matangkad na aktor ang magpu-provide ng conflict sa karakter nina Sarah at Lloydie.
Bigatin na talaga si Sarah, akalain mo na sila ni AiAi delas Alas ang mahigpit na maglalaban bilang boxoffice queen for 2008?
- Latest