Karen pasahero ng de-kuryenteng jeep
Namataan kamakailan lang si ABS-CBN anchor Karen Davila sakay ng isang ‘di pang-karaniwang jeep. Ang naturang sasakyan ay iba sa nakasanayan dahil hindi gasolina kundi kuryente ang nagpapatakbo dito.
Itong de-kuryenteng jeep o “e-jeep” ay isa lamang sa mga imbensyong Pinoy na tatalakayin ni Karen bukas ng gabi (Jan 20) sa The Correspondents.
Sa panahon ng krisis, kanya-kanyang paraan ang mga Pilipino upang makamura at makatipid. Isa na dito ang pag-iimbento ng mga alternatibong sistema at gamit na makakatulong sa sambayanan.
Ibibida rin ni Karen ang mga mala-igloong istruktura sa Surigao na gawa sa buhangin, semento, at drum na maaaring gayahin sa paggawa ng paaralan. Bukod sa mura ang materyales, presko din ito para sa mga mag-aaral.
Si Karen ay pinarangalan kamakailan lang bilang isa sa 2008 Ten Outstanding Young Men ng Junior Chamber International Philippines dahil sa kanyang mga makabuluhang dokyumentaryo at kontribusyon sa larangan ng pamamahayag.
- Latest