Sarah tambak ang nominasyon sa MYX
Si Sarah Geronimo ang may pinakamaraming nominations sa MYX Music Awards 2009 na gagawin sa February 26, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN. Anim ang nominations niya at sigurado naman, kundi man lahat, isa o dalawang awards ang iuuwi niya.
Nominado si Sarah sa Favorite MYX Celebrity VJ at kalaban niya rito sina KC Concepcion, Kim Chiu & Gerald Anderson, Sam Concepcion at Vhong Navarro.
Nominated din ang A Very Special Love sa Favorite Media Soundtrack and the same song ay pasok sa mga nominee ng Favorite Remake at Favorite Mellow Video. Kalaban ni Sarah sa Favorite Mellow Video ang Kung Sakali ni Ogie Alcasid, Now ng MYMP, Tell Me That You Love Me ni Regine Velasquez at The One Who Won My Heart ni Christian Bautista.
Pasok din sa mga nominado sa Favorite Collaboration ang I’ll Be There nina Sarah at Howie Dorough at malakas din ang laban niya sa Favorite Female Artist category. Sina Kyla, Rachelle Ann Go at Regine naman ang kalaban niya rito.
Tiyak na ring lalaban si Sarah at si John Lloyd Cruz sa Box-Office King and Queen title ng GMMSFI dahil pa rin sa box-office success ng A Very Special Love. Mukhang hahataw din sa awards this year ang singer-actress.
* * *
Tutuparin ng GMA-7 ang request ng fans nina Heart Evangelista at Dennis Trillo na mapanood sila sa isang drama series dahi sila ang mga bida sa TV remake ng Muling Buksan ang Puso. Para mas exciting ang cast, makakasama ng dalawa si Nadine Samonte na tanggap ng viewers mapa-daytime at primetime ang show.
Ayaw pa sanang ipasulat na sina Heart at Dennis ang love team sa Sine Novela na papalit sa hindi pa nagsisimulang umere na Paano Ba Ang Mangarap? nina Mark Herras at Jennylyn Mercado, pero lalabas din naman, kaya ini-report na rin namin.
Ang Muling Buksan ang Puso ang next project ni Heart after Luna Mystika at ni Dennis pagkatapos ng Gagambino. Ang original movie ng Muling Buksan…, ay tinampukan nina Vilma Santos, Coney Reyes, the late Dindo Fernando at Lorna Tolentino.
Sa ngayon, sa SOP at sa isang episode ng Dear Friend pa lang nagkakasama sina Heart at Dennis, bitin ang fans, kaya tatapusin ng network ang kanilang pagka-bitin sa pagtatambalan nilang Muling Buksan ang Puso.
* * *
Natawa kami kay Joy Cancio, producer ng Daisy Siete sa rason kung bakit hindi siya nagpursigeng kunin si Paolo Contis bilang leading man ni Rochelle Pangilinan sa Tarzariray, ang season 21 ng serye na magsisimula ngayong Lunes.
Nalaman daw niyang girlfriend ni Paolo si EB Babes Lian Paz at hindi nga namang maiiwasan ang tsismis dahil magkalaban ang EB Babes at Sexbomb, kung saan member si Rochelle. Kailangan din daw maging close sina Paolo at Rochelle habang umeere ang Daisy Siete at hindi mangyayari ‘yun kung may magseselos sa parte ni Paolo.
Si John Lopez, castaway ng Survivor Philippines finally, ang napili ni Joy na ipareha kay Rochelle na hindi rin original choice.
Si JC Tiuseco, ang 1st Solo Survivor sana ang gusto niyang ka-love team ni Rochelle, pero naramdaman niyang hindi interesado ang manager nito sa project, kaya pinalitan niya kay John na in fairness, mas bagay kay Rochelle.
* * *
Sa Luna Mystika, makakausap ni Celestina (Heart Evangelista) si Alguwas (Hero Angeles) at pinapapatay sa kanya ang kakambal na si Luna kapalit nang pagiging tao niya habambuhay. Pagkatapos kainin ang prutas ng Limer, mawawalan ng malay si Luna, pero nagising din sa tulong ni Anata (Michelle Madrigal), hindi niya nakain ang prutas.
- Latest