Malalaking artista dadagsa sa anniversary ng Navotas
Isang malaking musical extravaganza na pangungunahan ng malalaking artista ang inihahanda na ng pamahalaang-lungsod ng Navotas para sa kanilang pagdiriwang ng ika-103 anibersaryo nito sa Enero 16.
Inilatag ng Navotas Day Celebration committee ang isang linggong pagdiriwang na magsisimula sa Enero 10 hanggang 16 at katatampukan ng tradisyunal na engrandeng parada.
May temang Ako’y Navoteño sa Isip, sa Salita, sa Gawa, Pagmamahal sa Navotas ay Hindi Mawawala ang pagdiriwang na kilala rin bilang Pangisdaan Festival.
Ang malaking parada sa Enero 16 ay lalahukan ng lahat ng sektor ng lipunan at pangungunahan ni Mayor Toby Tiangco na kabilang sa 2007 Outstanding Yong Men awardee for Community Service.
Kasabay ng kapistahan, bubuksan din ang bagong ayos na Modern Navotas Sports Complex at ang pagpapagawa ng Twenty Bombastic Pumping Stations.
Sinabi pa ni Tiangco na pinipino na ang Tanza Socialized Housing Project at malapit nang simulan ang coastal flood control project sa baybayin ng lunsod.
Dating bahagi ng Malabon ang Navotas na nakapagsarili noong taong 1906. Isa na ito ngayon sa 16 na lunsod ng Metro Manila at binubuo ng 14 barangay na may 265,000 populasyon.
Kabilang sa programa sa pagdiriwang ang Pistang Kristiyano, motorcade, Children’s Day, Drum and Lyre competition, koronasyon ng Mutya ng Navotas, hospitalization program, mega jobs fair, street dancing competition, basketball with the stars, at fireworks display.
- Latest