X-mas tree sa Star City kalahating milyon ang ilaw
Isang napakalaking Christmas tree na may taas na 40 talampakan at naiilawan ng mahigit sa kalahating milyong Christmas lights ang siyang makikita ng mga nagtutungo sa Star City. Ang mga ilaw ng higanteng Christmas tree ay binuksan ng prima ballerina ng bansa na si Lisa Macuja-Elizalde.
Siya rin ang star ng pamaskong handog ng Ballet Manila, na ipapalabas sa Aliw Theater ng Star City, Ang Mga Kuwento ni Lola Basyang. Iyan din ang kauna-unahang adaptation sa ballet ng mga kuwento na isinulat ni Severino Reyes, sa ilalim ng kanyang alyas na Lola Basyang, na sumikat noong dekada ‘50 at kinagigiliwan ng mga bata hanggang ngayon.
Ang higanteng tree ay sinasabing nagpapakita rin ng napakalaking pasasalamat ng Star City sa mga tumatangkilik sa kanila sa loob ng maraming taon. Sa taong ito, higit na marami ng tinatayang 30 porsiyento ang bilang ng mga taong dumadalaw sa Star City araw-araw.
Pinakamalaking attraction pa rin sa Star City ang Snow World, at ang kanilang Dino Island, bukod siyempre sa 34 na iba’t ibang rides, at limang malalaking attractions. Sa taong ito, mas pinagbuti pa ng Star City ang kanilang service facilities sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga makabagong comfort rooms, higit na maluwag na food court, at paglalagay ng higit pang bilang ng mga emergency clinics sa paligid ng park.
- Latest