MMFF malaking tulong sa Kulturang Pilipino
Kinikilala ni MMDA chairman at Metro Manila Film Festival (MMFF) 2008 over-all chairman Bayani Fernando ang mahalagang papel na ginagampanan ng lokal na industriya ng pelikula, hindi lamang bilang paraan upang makapagbigay ng mabuting mapaglilibangan kundi lalo’t higit na mahalaga, bilang isang epektibong instrumento ng paghubog ng kulturang Pilipino patungo sa pambansang paglago at pag-unlad.
Dumating na ang panahon upang gawing “global” ang pamamahagi ng pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng pagtataas ng antas na teknikal at pang-sining nito.
Ang taunang MMFF ay naging isang magarbong tanghalan ng mga dakilang pelikulang Pilipino kung saan marami sa mga ito ay nagkaroon ng “international recognition.”
Sa pamamagitan ng MMFFP, ang industriya ng pelikula ay nagkaroon ng panibagong sigla upang gumawa ng mga pelikulang dekalidad kung saan tunay na nabibigyang-pansin ang talentong pang-sining ng ating mga artista.
Sa paglipas ng panahon, ang Metro Manila Film Festival ay nagtalaga sa sarili upang magprodyus ng magaganda at may mataas na uring pelikula, bagay na kinagigiliwan at hinahangaan ng balana. Nakalikha ang MMFFP ng mga obrang klasiko na pumasa sa pagsubok ng panahon.
Ilan sa naturang klasiko na mayroong ginawa noon pang dekada ’70 ay Diligin Mo ng Hamog ang Uhaw na Lupa (1975), Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? (1976), Kisapmata (1981), Himala (1982), Karnal (1983), Paradise Inn (1985), Jose Rizal (1998), Muro Ami (1999) at ilan pang mga pelikula na nagwagi ng best picture award.
Subali’t bigyang-pansin din natin na samantalang ang Insiang na prinodyus noong 1976 ay hindi nanalo bilang Best Picture, bumandera naman ito sa Cannes Film Festival. Ang Himala noong 1982 ay nakapasok sa Moscow International Film Festival.
Ngayong 2008, walong official entries ang magtutunggali upang makamit ang Best Picture. Kasama dito ang Dayo (Cutting Edge Productions), Baler (Viva Communications), Desperadas 2 (Regal Entertainment), Shake, Rattle & Roll X (Regal Entertainment), Magkaibigan (Maverick Films, Inc.), One Night Only (Canary Films), Iskul Bukol…20 Years After (OctoArts Films) at Tanging Ina N’yong Lahat (Star Cinema). Alin sa mga ito ang magwawagi?
Ang taunang Metro Manila Film Festival ay patuloy sa pagpapalabas ng mga high quality films na nagbabandila ng mga talento hindi lamang ng mga artista kundi maging ng higit na nakararaming tao sa likod ng kamera. Taun-taon ay patuloy na pinatutunayan ng ating mga lokal na filmmakers na sa gitna ng maraming pagsubok ay nakapaglalabas pa rin sila ng mga obrang may mataas na antas at kalidad. (Emmy Abuan)
- Latest