Bangko may kasalanan sa kaso ni Jennylyn
Gusto lang muna naming magpasalamat kay Rey-Ar Reyes, ang kababayan nating matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa Winnipeg, Canada, si Rey-Ar ang art director ng Pilipino Express News Magazine na pinagpipistahang tabloid ng mga kababayan natin sa Manitoba at Alberta.
Si Rey-Ar, kasama sina Issy Bartolome at Neil Soliven, ang mga taong nagparamdam sa amin na parang nasa Pilipinas lang kami sa una naming pagbiyahe sa kanilang lugar.
Ang haplos ng Pinoy ay kipkip nila hanggang ngayon kahit pa dekada na ang paninirahan nila sa Winnipeg, hindi ka nila pababayaan dun, makaaasa kang parang lumabas ka lang sa bakuran ng bahay mo habang kasama mo sila.
Nung isang araw ay tumawag sa amin si Rey-Ar, kasama niyang nagkakape sa Tim Horton’s si Ardee, ang kaibigan naming Pinoy na pinagkukuhanan naman ng mga produktong leather ng mga kababayan natin sa Winnipeg.
Malungkot na malungkot si Rey-Ar, ramdam namin yun sa kanyang boses, niyayaya niya kaming magbakasyon muna sa Winnipeg at sila na raw ang bahala sa amin dun.
Ang ganung pagpapahalaga ay gusto naming pasalamatan, nakararating sa kanila ang pahayagang ito, nagtatanong nga si Rey-Ar kung bakit ang PM ay hindi nila nababasa kahit sa internet.
Wala silang dapat ipag-alala sa amin, lahat ng nagaganap sa ating buhay ay may katapat na dahilan, meron kaming sapat na panahon ngayon para makasama si nanay, ang aming mga anak at apo.
Nung nakaraang linggo ay nagpunta kami sa Tagaytay, isang pagsasama-samang nangyari lang uli pagkatapos nang pitong taon, hindi mababayaran nang kahit magkano ang tamis ng ngiti ng aming ina habang sabay naming pinagmamasdan ang paglubog ng araw sa gilid ng Taal Lake.
Napapansin na namin ang paglaki ng aming mga apo, musika sa aming tenga ang kanilang mga halakhakan, yun ang mga simpleng bagay na ipinagdamot sa amin nung makina pa kami at hindi tao.
* * *
Tumawag sa amin kahapon nang umaga si Attorney Joji Alonso, abogado nina Jennylyn Mercado at Becky Aguila, nabasa niya ang pag-aanalisa namin kahapon sa kolum na ito tungkol sa mga tseke ni Jennylyn na ini-honor ng banko ng aktres kahit pa sinasabi nina Jen at Becky na pineke lang ni Mel Pulmano ang pirma ng aktres.
Ayon kay Attorney Joji ay plano rin nilang sulatan ngayon ang banko para panagutin sa kabuuang halagang kinain ng mga tsekeng ipinalit ni Mel sa rediscounter, magkaibang-magkaiba raw ang pirma ni Jennylyn sa kanyang specimen signature sa mga tesekeng ipinalit ni Mel sa rediscounter, ang banko raw ang pagbabalikin nila ng kabuuang halagang yun kay Jennylyn.
Negligence daw ng banko ang nangyari, nakalusot ang mga tseke kahit hindi naman si Jennylyn ang pumirma, pinanindigan ng abogado na ang mga hawak nilang ebidensiya ng tseke ngayon ni Jennylyn ay hindi ito ang pumirma.
“Magkaiba ang strokes, very light lang pumirma si Jennylyn, pero yung sa mga tsekeng ipina-rediscount ni Mel, madiin. Hindi si Jennylyn ang pumirma, nakita na niya ang mga return checks, pinaninindigan ng client ko na hindi niya pirma yun,” dagdag pa ni Attorney Joji.
Hindi rin nila agad mahihingi ang tulong ng NBI para malaman kung pineke lang ang pirma ni Jennylyn o hindi, kailangan muna ng court order para mangyari yun, ibig sabihi’y kailangang makumbinse ng kampo nina Jennylyn at Becky ang piskalya na totoo ang kanilang ipinaglalaban para mabigyan ng positibong resolusyon ang isinampa nilang asunto.
Mahabang proseso pa ang itatakbo ng kasong ito, pero ayon kay Attorney Joji Alonso ay inuna lang muna nilang isampa ang kasong kriminal laban kay Mel Pulmano, para magkaroon ng babala na sinumang pagpalitan pa uli nito ng tseke ni Jennylyn ay walang kinalaman tungkol dun ang aktres.
Pero siyempre’y lalaban nang husto si Mel Pulmano sa mga akusasyon laban sa kanya, kung merong kuwento sina Becky at Jennylyn ay may sariling bersiyon din ng istorya ang dating road manager ng aktres, bahala na ang husgado ngayong timplahin sa pamamagitan ng kanilang mga ebidensiya kung sino sa kanila ang nagsasabi ng katotohanan.
- Latest