Magic ang talent ni Julia Salamankera
Bihira sa mga artista ang nagtatagal sa showbiz kung wala silang kakayanang i-reinvent ang kanilang mga sarili para mas maging angkop ang kanilang talento at personalidad sa nagbabagong panahon at panlasa ng mga manonood. Isa si Julia Clarete sa mga personalidad sa showbiz na may kakayahang maging versatile sa paggamit ng kanyang iba’t ibang talento.
Bilang co-host ng Eat Bulaga, aminado si Julia na ngayon na ang pinakamasayang panahon sa kanyang buhay. May asawa siyang mapagmahal at supportive sa kanyang career at ang one-year-old son na nagbibigay ligaya sa bawat araw niya.
“Maituturing ko na best thing na nangyari sa showbiz career ko ang mapiling maging co-host sa Eat Bulaga. Parang ako na yung nanalo ng one million jackpot! Maraming nagawa ang Eat Bulaga para sa akin. Dito ko nailabas at na-develop ang mga potentials ko. Dati kasi ay nasa loob lang ng utak ko ang humor ko dahil mahiyain akong tao. Pero dahil araw-araw kong kasama ang mga pinakamagagaling at beteranong mga comedians at TV hosts sa bansa, nakatulong ito ng malaki para ma-develop ako bilang TV host at comedienne,” ani Julia.
Sa ngayon ay masasabi ni Julia na perpekto ang kanyang schedule. Bukod sa araw-araw na Eat Bulaga, may panahon pa siyang makipag-bonding sa kanyang anak. Na-satisfy naman niya ang passion niya sa pag-perform sa mga gigs niya tuwing gabi. Bilang talented na singer at guitar player, sumusulat siya ng mga sarili niyang kanta at ’pag may panahon ay gusto niya uling gumawa ng bagong album. Isa rin siyang serious painter na nagkaroon na ng mga art exhibits dati.
Sa Eat Bulaga ay madalas siyang nakikita bilang si Julia Salamankera na nagpapakita ng iba’t ibang magic tricks na laging may kahalong katatawanan. Ang abilidad niyang ito na maging magician at magbigay ng nakaaaliw na karakter kay Julia Salamankera ay isang patunay ng kanyang galing at versatility bilang well-rounded performing artist.
- Latest