Katarungan!
Ayaw magsulat ni Ms. Aster Amoyo, PSN columnist ng tungkol sa isinampa nilang kaso laban kay Mrs. Rose Flaminiano at ang paghingi nila ng tulong sa Housing Urban Development Coordinating Council Chairman (HUDCCC) headed by Vice President Noli de Castro. Pero nagkukuwento si Tita A para maliwanagan ang lahat (na tama para hindi magsanga-sanga ang kuwento).
Una silang nagsampa ng class suit - kasama niya sina Ara Mina, Aubrey Miles at Maui Taylor. Pero wala si Ara nang magpunta sila sa opisina ni VP Noli.
Nagsimula ang kuwento noong 2004 nang maging PR siya para sa launching ng Rosmont Subdivision, ang subdibisyong pag-aari ni Mrs. Flaminiano. Si Mrs. Flaminiano ang kontrobersyal manager ni Gabby Concepcion.
“Noong time na ini-launch ang Rosmont noong 2004, she asked me to help. Ako ang PR, tumulong pa ako sa pago-organize ng launching. Naging celebrity endorsers sina (the late) Rudy Fernandez, Ara Mina, Aubrey Miles, Judy Ann Santos at si Maui Taylor. Sumama pa sila noon sa parade.
“Present din noon si Mike Defensor at saka si Mikey Arroyo. Ako ang PR noon ni Mikey.”
Fast forward, nakumbinse raw siya noon ni Mrs. Flaminiano na bumili ng unit sa Rosmont Subdivision dahil nang alukin siya nito, naisip niyang member siya ng PAG- IBIG at hindi pa niya nagagamit sa loan. So pumayag siya dahil pakiramdam daw niya ay magiging magaan ang pagbabayad sa nasabing bahay.
Pero ilang linggo lang ang nakakaraan, napag-isip-isip niyang hindi na lang siya bibili dahil medyo malayo ang Tarlac. “In a couple of weeks lang, I changed my mind. Sabi ko, yung property ko nga sa Tanauan, Batangas hindi ko napupuntahan lagi, what more itong Tarlac? So, what I did, I called her up, ‘Mommy, hindi ko na lang itutuloy yung property sa Tarlac.’ Sabi niya, ‘Okay, walang problema.’ So, ako naman, I took her word for that.
“Pero bago ‘yan, nagpapunta na siya ng tao sa akin para magpapirma ng application form. Pinirmahan ko naman. ‘Yun ang mali ko, pinirmahan ko agad. Pero hindi ko naman inisip na ipapasok agad nila. Alam naman nilang nag-back out ako,” mahabang kuwento ni Tita Aster.
“Kaya wala akong kaalam-alam na after naming mag-usap, ipinasok niya pa rin ang application ko. At na-approved at naibigay sa kanila yung pera.
“Year 2006 na ako nakatanggap ng billing statement from PAG-IBIG. Nagulat ako. Hindi ko agad naisip na nakapag-housing loan pala ako.
“I called her up immediately nang matanggap ko ang billing statement.
“’Mommy, bakit meron akong billing statement dito na galing sa PAG-IBIG?’ Sabi niya ‘wag ko raw intindihin. ‘Na-overlook lang yan, whatever’ sabi niya. Pero iniisip ko nga na may problema na. Pero naniwala pa rin ako sa kanya na hindi ko na dapat intindihin. So, binigyan ko pa rin ng weight ang sinabi niya sa akin. Pero after a month, meron uli silang pinadalang billing,” salaysay pa ni Tita A.
Hanggang pinasulatan na niya sa kanyang lawyer ang PAG-IBIG at si Mrs. Flaminiano. Dun na nagsimula na magkaroon siya ng communication sa PAG-IBIG at dun niya na na-update na baon na siya sa utang dahil sa housing loan sa Rosmont Subdivision.
May pagkakataon naman daw silang nag-uusap ni Mrs. Flaminiano pero pawang pangako ang sinasabi sa kanya. “O kung tinatawagan ko naman, hindi niya sinasagot,” paliwanag pa ni Tita Aster.
Matagal daw ang ibinigay niyang panahon para maayos sana ang utang niya sa PAG-IBIG dahil sa pangako ni Mrs. Flaminiano, pero wala raw itong ginagawa. May gusto na raw siyang bilhing bahay at i-loan sa PAG-IBIG, pero dahil sa nasabing utang, hindi siya puwedeng mangutang sa nasabing ahensiya ng pamahalaan.
At ngayon lang siya nag-desisyon na magsampa ng pormal na reklamo kasama sina Aubrey, Ara at Maui.
“Yung kaso nina Aubrey, Maui, at Ara, iba sa kaso ko. Ang kaibahan naman ng kila Aubrey, kabayaran nila yun bilang celebrity endorsers kasama sina Daboy at Judy Ann. Walang kaalam-alam sina Aubrey na ‘yung pinirmahan nila ay para sa PAG-IBIG housing loan. So, wala silang kaalam-alam na ini-loan din sila, tapos na-approved.”
Dasal ni Tita Aster na makuha nila ang katarungan. Ngayong Linggo ay naka-schedule siyang mag-guest sa The Buzz na incidentally ay birthday presentation ni Mr. Boy Abunda.
* * *
Sobrang naantig ang puso ko sa nakita ko sa loob ng Baclaran church last Tuesday night.
Actually, nakiusyuso lang ako kung ano yung tinitingnan ng mga tao pagkatapos nilang mag-novena. ‘Yun pala, dalawang bata - karga ng kanilang ina. Hindi sila ordinaryong bata. Parehong malala ang karamdaman nila na kitang-kita sa kanilang pisikal na anyo. Yung isa ay four and half years old na raw. Pero super liit siya at parang nahihirapang huminga.
Parang nilalagyan ng air (may hawak na something ang nanay) sa ilong niya. Ang hirap i-describe. Basta, maiiyak ka sa hitsura nila dahil sa sobrang awa. Parang hirap na hirap yung baby girl sa kanyang kalagayan, pero parang gusto naman niyang mabuhay dahil nakamulat ang mata niya.
Yung isa namang baby, malaki ang ulo. Sampung buwan na raw siya sabi ng nanay na si Aling Amy Gutierrez. Taga-Zambales daw sila.
Sobrang nakakaawa ang kanilang mga hitsura.
Nasa loob naman sila ng simbahan at hindi namamalimos. Marami pa ring nagmamagandang loob na magbigay. Yung isang narinig ko, reseta ng doktor ang hinihingi niya para sila ang bibili ng gamot. Hindi mo rin kasi maialis sa ibang kababayan natin na mag-isip dahil nagkalat sa paligid ng Baclaran church ang mga nanghihingi ng limos na minsan ay pagdududahan mo naman dahil malalakas sila at kaya naman sanang maghanap-buhay ng marangal pero piniling mamalimos para mas madaling kumita. Akting lang ng konti ang kailangan. Pero ang nakakaalarma, bakit parating parang tulog ang mga hawak na anak ng ibang namamalimos? Lagi na lang ba ‘yung ganun? Naku baka naman may mga pinaiinom din sila para antukin ang mga anak nila?
Anyway, sana matiyempuhan din ninyo ang dalawang batang maysakit sa Baclaran church lalo na ng mga madadatung na namimigay ng pera kasama na ang comedy king na si Dolphy na ‘pag nagno-novena sa Baclaran ay namamahagi ng biyaya.
- Latest