Bahay ni Rufa Mae nabili ni Iza ng P18 million
Hindi lamang naman sina Vhong Navarro at Toni Gonzaga ang tensyonada sa nakatakdang pagpapalabas ng kanilang pelikulang My Only U sa Oktubre 29 kundi lalo na ang direktor nilang si Cathy Garcia-Molina dahil isang super blockbuster ang sinusundan nito, ang John Lloyd-Sarah Geronimo- starrer na A Very Special Love.
“Although isa ring love story, isang formula movie, ang My Only U, may malaking risk na ginawa ang Star Cinema rito, ginawa nilang isang seryosong aktor dito si Vhong, isang matinee idol,” ani direk Cathy.
“Sana okay sa manonood yung binago ang style ng pag-arte rito. Hindi madali para sa akin dahil yung sa mga nakaraan kong movies ay madalas take one ako. Dito sa My Only U never nangyari ito, nakakailang takes ako,” sabi naman ni Vhong na hindi kasama ang mga lucky charms niyang sina Pokwang at Mura sa movie dahil gusto ng direktor na maiba naman ang mga kasama niya.
“Pero, marami ang nagsasabi na meron naman kaming chemistry ni Toni. Kahit pa sabihing hindi kami romantically linked. My kilig daw ang tandem namin which I think is brought about by our friendship. Naging totoo kami ni Toni sa isa’t isa,” dagdag pa ni Vhong.
’Di sinabi ng direktor kung mamamatay nga ang character ni Toni sa movie. Kailangang panoorin ang movie para ito makita. Nakatakda rin itong mapanood sa Guam sa Oktubre 31 at sa Micronesia Mall sa Nobyembre 20.
* * *
Isang inspiring story ang magbabalik sa award winning actress na si Aiko Melendez sa isa ring award-winning at longest-running drama anthology ng ABS-CBN, ang Maalaala Mo Kaya (MMK). Gagampanan nito ang role ng isang inang hinanap ang kanyang sarili sa kabila ng mga ibinigay na pagsubok sa kanya ng tadhana. Ang episode ay dinirihe ni Nuel Naval. Kasama rin sina Cris Villanueva at Hazel Ann Mendoza.
Nagpapasalamat ang MMK sa natanggap nitong mga nominasyon mula sa Philippine Movie Press Club.
* * *
Handang-handa na si Sam Milby sa kanyang 1st major concert ngayong gabi sa Aliw Theater entitled Sam Milby: Rockoustic Heartthrob. Kitang-kita na ang malaking pagbabago ng dating Pinoy Big Brother Fil-Am housemate.
Dati’y medyo mahiyain pang humarap sa maraming tao, ngunit ngayo’y may lakas na ng loob para mag-perform ng buong puso.
Ang kanyang concert ay ididirek ni Johnny Manahan at Marvin Querido naman para sa musikal na aspeto.
* * *
Nagbunga rin ang kasipagan ni Iza Calzado. Meron na itong bahay na mula sa kanyang mga naipong kita mula sa kanyang pag-aartista.
Nabili nito ang bahay ni Rufa Mae Quinto sa Acropolis sa halagang P18M. Meron namang nabiling bahay si Rufa Mae sa Corinthian.
Parehong masinop sa kanilang mga kita ang dalawang aktres. Si Rufa Mae bukod sa pagiging matagumpay na artista ay mahusay din sa negosyo.
* * *
Medyo nahilo ako sa tagal ng paghihintay na masimulan ang affair ng Folded & Hung na ginanap sa A-Venue sa Makati. Medyo huli na kasi ang ginawang rehearsal para sa fashion show. Marami nang bisita ang naghihintay sa labas ng venue pero ang rehearsal kasagsagan pa rin.
Na-trigger ang vertigo ko ng napakaraming tao eh naiwan ko pa ang gamot ko sa bahay, pati ang wallet ko.
Nakadagdag pa ng tensyon ko ang gutom na naramdaman ko. Eh wala nga akong pera. Buti na lang dumating si Vinia Vivar who bought food and drink for me. And another diabetic na ’di ko na maalala who gave me an anti-histamin tablet. Sa kanila, maraming salamat.
Napakaikli lamang ng fashion show ng Folded & Hung na isa palang celebration ng kanilang 10th anniversary, mas matagal pa yung ipinaghintay ng lahat. Kasamang nagmodelo sina Claudine Barretto, Maja Salvador, Mylene Dizon na hindi mo mahahalatang buntis, Paolo Paraiso at Joem Bascon.
- Latest