Proteksiyon sa diksiyunaryo
Pagkatapos ng The Buzz nung Linggo ng hapon ay naging abala kami sa pagsagot ng telepono at mga mensahe sa text. Natural, mga kaibigan namin ang tumatawag, kaya kapilas namin sila sa emosyon na isang malinaw na paghuhugas-kamay ang ipinalabas na segment ng programa tungkol sa aming suspensiyon.
Hindi raw nila kami binastos bilang isa sa mga hosts ng talk show, ipinagpaalam daw nila sa amin ang mga nakaraang live guestings nina Ms. Annabelle Rama at Nadia Montenegro, isang bagay na inaamin namin at isinusulat sa lahat ng aming mga kolum.
Pero ang pagkakaprisinta nila tungkol dun ay parang VTR interview na inedit-edit na, kulang-kulang na, hindi na isinama ang pakiusap namin kina Louie Andrada at Nancy Yabut na pakialalayan nila at alagaan ang panayam bilang proteksiyon sa amin bilang host nila.
Yung kay Tita Annabelle ay bantulot kami, tinanong namin si Nancy kung hindi ba puwedeng VTR interview na lang yun at hindi na live, nangako ang aming EP na wala kaming dapat ipag-alala dahil isang tanong lang naman ang ibabato tungkol sa aming libel case.
Pero saksi ang buong bayan nung tumakbo na ang panayam, isang tanong lang ba ang nangyari, napigilan ba nila ang panauhin ng programa na hindi kami upakan nang harap-harapan sa sarili naming show?
Ganundin ang naganap sa panayam ni Nadia habang nasa Winnipeg, Canada kami, totoong nagpaabiso sa amin si Louie, hindi raw puwede si Nadia sa taped interview kaya nag-live na lang ito.
Sa ngalan ng pagiging parehas ay pumayag kami, pero hindi kami nagkulang ng pakiusap sa aming production unit head, muli ay pakialalayan ang interbyu bilang respeto sa amin na isa rin sa mga hosts ng talk show.
Pero saksi uli ang buong bayan nung tumakbo na ang panayam, nabigyan ba kami ng proteksiyon sa kabuuan ng interbyu, hindi ba’t parang sila pa mismo ang nagbukas ng pintuan ng aming tahanan para nakawan kami?
At sa kanilang depensa na bago raw nagsimula ang pagsagot namin sa mga akusasyon ni Nadia nung October 5 ay paulit-ulit kaming pinagsabihan na huwag magsasalita ng hindi makagaganda sa programa, sa aming memorya ay hindi kami dun tumutok, kundi sa kanilang pagbabagong-puri na nung dumating daw si Nadia sa dressing room ay paulit-ulit nila itong pinagsabihan na maghinay-hinay dahil host kami ng programa.
Isa pa, paano nila kami mapagsasabihan ng ganun, samantalang wala namang nakakaalam tungkol sa bombang pasasabugin namin? Itinatakda ng sentido komon na paaalalahanan lang natin ang isang tao sa kanyang mga sasabihin kung alam na natin ang laman ng kanyang magiging atake.
Wala silang alam sa magiging sagot namin sa akusasyon ni Nadia na wala kaming budhi, nagulantang na lang sila nung naglilitanya na kami sa ere, ganun ba ang nagpaalala raw sa amin bago kami sumalang sa panayam?
* * *
Ibinaba ang hatol ng ABS-CBN, suspendido kami. Kami lang, walang iba, kami lang ang suspendido dahil meron daw kaming nilabag na probisyon sa aming kontrata sa network.
Nasaan na ang iba pang mga bumubuo ng programa, ibig bang sabihi’y wala silang kinalaman at kamay sa ginawa naming pagsagot nung October 5, gusto ba nilang palabasin na kami lang mag-isa ang nagdirek, nag-camera, nagtanong, nagbuo ng VTR at nagsulat ng script para sa segment naming yun?
Hindi kami naghahanap ng damay, pero nanghihingi kami ng katarungan?
Puwede palang upakan ng panauhin ng show ang host ng programa pero kapag sumagot ang binira ay suspensiyon ang kasunod ng kanyang pagsagot?
Tanong ng kahit sinong makausap namin ngayon, nasaan na ang proteksiyon ng show sa kanilang host, nasaan ang proteksiyon ng istasyon sa kanilang talent?
Madali lang tugunan ang tanong na yun kung meron kang hawak na sagot, pero napakahirap sagutin, kung ikaw mismong tinatanong ay wala pa ring maapuhap na tugon.
Proteksiyon. Hahanapin pa namin ngayon sa diksiyunaryo kung ano ang tunay na pakahulugan sa salitang yun.
- Latest