Mariel at Bianca BUMUSINA
Gusto naming pasalamatan sina Mariel Rodriguez at Bianca Gonzales sa pagkakaroon ng respetong bumusina sa amin bago nila tinanggap ang pag-upo bilang kapalit namin sa Showbiz Mismo sa DZMM.
Sabi ni Mariel, “Nanay, magpapaalam lang po ako sa inyo, kami po kasi ni Bianca ang pinauupo ni Tito Boy (Abunda) sa radio program ninyo, si Tita Cory (Vidanes) daw po ang nag-advice sa kanya.
“E, ayoko naman pong basta maupo, I’d like to let you know muna. Respeto lang po,” sabi ni Mariel.
Si Bianca naman ay nagpadala sa amin ng mahabang text message, ganun din ang tinutumbok ng kanyang mensahe, bumubusina muna ito bago maupo sa dati naming programa sa radyo.
Walang kaproble-problema, sinumang maatasan ng network na pumalit sa aming puwesto ay dalawang kamay naming tatanggapin, hindi kami masasaktan at lalong hindi namin pepersonalin ang sinumang papalit dahil sumusunod lang naman sila sa kung ano ang sinasabi sa kanila ng istasyon.
At may karapatan namang maupo bilang anchor sina Mariel at Bianca, madadaldal sila at may alam, pakikinabangan ng radyo ang kanilang talento.
Pero kahit pa sumusunod lang sila sa abiso ay nagkaroon pa rin sila ng respetong tumawag at magpaalam sa amin.
Parehong alaga ng kaibigang Boy Abunda sina Mariel at Bianca, aral kay Boy ang kanyang mga alaga, kung gaano kamarespeto si Boy ay ganun din ang mga inaalagaan niyang artista.
* * *
Aksidente naming napanood ang concert ni Ronnie Liang nung Biyernes nang gabi sa Rembrandt Hotel Ballroom. Nagpamasahe kami sa penthouse, madadaanan ang ballroom pagbaba namin, kaya nakita kami ng kanyang manager na si George Roca at ng ilang kaibigan-kasama sa panulat.
Makabuluhan ang gabing yun para kay Ronnie, malaking tulong ang maibibigay niya sa pamahalaang lokal ng Gumaca, Quezon, kaya ang title ng kanyang show ay Ronnie Liang Sings For A Cause.
Nung sumilip kami sa ballroom ay malapit nang kumanta ang guwapong balladeer, ang banda ni Rox Puno na anak ni Rico J. ang kanyang back-up band, malayo na nga ang nararating ng Kapampangang singer na ito.
Nararamdaman na niya ngayon ang ibig sabihin ng kakapusan ng tulog at pahinga pero si Ronnie na rin ang nagsabi, kapag meron tayong magandang plano para sa ating pamilya ay balewala ang pisikal na sakripisyo.
“Landscape na lang po ng bahay namin ang hindi pa tapos, konting pagpupursige pa at matatapos na rin ang lahat-lahat. Ang mahalaga po, hindi na kami nakatira sa kamalig ngayon, meron nang disenteng bubong ang family ko.
“Ipinangako ko sa nanay ko na malapit lang sa kuwarto niya ang magiging CR niya, yun lang po kasi ang hiling niya dahil matindi ang kanyang rayuma.
“Hindi po siya makalakad nang maayos, napapagod agad siya, kaya nung itinatayo na ang bahay, talagang ipinalapit ko lang sa kuwarto ng nanay ko ang CR niya,” sabi ni Ronnie.
Dagdag pa niya na napakasarap daw ng pakiramdam na nakikita ang bunga ng mga pinaghihirapan niya.
“Masaya po ngayon ang parents ko dahil hindi na masakit ang loob nila sa pagkakasanla ng bahay namin na hindi na natubos,” kuwento ng mabait na singer.
Naalala na naman naming bigla ang unang pagkikita namin sa Punchline kung saan umiiyak ang binata dahil sa kabiguan niyang makapasok bilang finalist ng isang singing contest sa GMA 7.
Tapos na yun, nakahakbang na siya nang pasulong, mabait ang kapalaran kay Ronnie Liang
- Latest