Nakabiling aktres gustong ilihim: Bahay ni Rufa Mae nabili na
Artista rin pala ang bibili o nakabili ng bahay ni Rufa Mae Quinto sa Acropolis Subdivision na ibenenta dahil may bagong bahay sa nasabi ring subdivision ang sexy comedienne. Ayaw pa nga lang kumpirmahin ng actress na bibili ng bahay ni Rufa Mae ang tungkol dito, pero kita sa mukha nito ang tuwa na finally, magkakaroon na siya ng sariling bahay.
Matagal nang gustong magkaroon ng sariling bahay ang actress dahil matagal na siyang nangungupahan sa isang townhouse sa may Quezon City din. Bale dalawang bahay ang inuupahan niya’t ang isa’y para sa pamilya.
Sa pagkakabili ng actress ng bahay ni Rufa Mae na may kalakihan naman yata, sama-sama na sila ng kanyang pamilya at hindi na kailangang dalawang bahay pa ang upahan niya.
* * *
Handa nang magbalik-showbiz si Jennylyn Mercado after isilang si Jazz, ang baby boy nila ni Patrick Garcia. Sa Linggo sa SOP, ire-relaunch siya at may live guesting din siya sa Showbiz Central, kung saan, tiyak na isa sa mga itatanong sa kanya’y si Patrick na nakabalik na mula sa pag-aaral sa New York.
Interesado ang mga viewers kung nag-effort na ang aktor na makipagkita sa kanya at sa kanilang baby. Tatanungin din tiyak si Jennylyn sa nasulat na pagkaubos ng pera niya na isang tauhan pa raw niya ang may kagagawan.
Tamang-tama ang pagbabalik-showbiz ni Jennylyn dahil kasama siya sa pelikulang One Night Only na entry ng OctoArts Films sa Metro Manila Film Festival.
* * *
Overwhelmed ang MYMP na makakasama nila ang Side A band sa Back to Back to Back concert sa December 1, sa Araneta Coliseum. Idol nina Juris Fernandez at Chin Alcantara ang banda, lalo na ang huli na favorite ang Forevermore at Hold On at inisip pa ngang foreign band ang kumanta sa Hold On dahil iba ang dating.
Kinakabahan si Chin sa nalalapit nilang concert at ang feeling nito, hindi sila karapat-dapat in one stage with Side A. “They’re one of the best bands in the country at ang hirap abutin ng 23 years nila, eh, kami five years pa lang as recording artists,” wika ni Chin.
Sa paramihan ng hit songs, hindi pahuhuli ang MYMP sa Side A at sa Freestyle na kasama rin sa concert dahil mula pa sa first album ng duo hanggang ngayon, halos lahat nang kantahin nila’y sumisikat. Pasalamat naman si Juris na hindi nawawala sa uso ang pop music na forte nila at marami ang may gusto sa mga old hits na kanilang nire-remake.
Produced ng Viva Concerts and Events ang concert. Tickets are priced at P2,625, P2,100, P1,750, P1,150, P525 and P263. Available ang mga tiket sa Ticketnet, Araneta Coliseum at Viva office, call 687-6181 local 620 at 745 para sa detalye.
* * *
Sa episode ng Moms na Mga Natutunan Namin sa Kanila, malalamang hindi lang magaganda, may kasama ring pangit na impluwensya ang mga magulang sa kanilang mga anak na hindi alam ay ginagaya ng mga bata.
Guests sina Ruby Rodriguez, Smokey Manaloto at Beverly Salviejo. Ang Moms ay sa Q-11, tuwing 5 p.m., Monday to Friday.
- Latest