Fanny Serrano ayaw sa The Buzz
Tuwang-tuwa ang mga tagapakinig-tagapanood ng Showbiz Mismo nung Lunes nang hapon dahil isang libreng concert ang ibinigay sa kanila ng magaling na balladeer na si Richard Poon.
Grabe ang mga tinanggap naming request sa 2366, pati ang aming telepono ay napuno ng mga request din at positibong komento tungkol kay Richard, ang galing-galing naman kasi talagang kumanta ng balladeer na ito.
“Parang ang sarap-sarap matulog,” padalang mensahe sa amin ni Dulce na hindi maaaring paglakuan ng kahit sinong singer pagdating sa kinis ng pagkanta.
“Ang ganda ng musicality niya, kahit nagsasalita siya in between, alam niya kung saan siya papasok uli. At nasa tono siya, ha? Magaling si Richard Poon,” dagdag pa ng magaling na si Dulce.
Ayon kay Richard ay anim na taon siyang nagtrabaho sa kumpanya ng kanyang pamilya, ang Mr. Poon Restaurant, pero nung nakaraang taon ay nagpaalam siya kung puwedeng lumihis siya ng linya para mapatunayan niya naman na kaya niyang kumita ng sarili niyang pera.
Naging mabilis ang kanyang pagsikat, sa sasandaling panahon lang ay napansin siya agad sa ASAP’08, dahil bibihirang Pinoy singer ang tumututok sa mga standard songs.
Tinatakan siyang Michael Buble ng Pilipinas, dinadayo ang kanyang mga shows, hanggang sa magkaroon na siya ng album na talagang tinangkilik ng ating mga kababayan.
Ang kanyang album na I’ll Take Care Of You ay naglalaman ng mga kantang napakasarap pakinggan habang bumibiyahe ka, nagpapatulog, nagpapalipas ng oras at naghahanap ng musika at hindi ingay.
Ang platinum edition ng kanyang album ay meron ding minus one, kaya para sa mga mahilig sa musika, ibinabahagi ni Richard Poon ang sarili niyang minus one para sa inyo.
Kasama sa kanyang platinum edition ang mga kantang Moon River, More, All Of Me, Fallen, Somewhere, I’ll Take Care Of You siyempre, at marami pang iba.
Nakaupo lang si Richard Poon habang kumakanta, pero bigay na bigay ang kanyang boses, kaya ang mga kababayan nating nakikinig-nanonood sa Showbiz Mismo ay nagpista sa ibinigay niyang libreng concert.
Pero kabaligtaran nun si Richard kapag nasa stage na siya, magalaw siya sa entablado, meron din siyang rapport sa audience kaya performer talaga siya.
Sa December 20 ay magkakaroon sila ng concert sa Metro Bar nina Rico J. Puno at Charlie Green, gabi yun ng mga standard songs, maagang magdiriwang ng Pasko ang mga kababayan natin sa kanilang pagtatanghal.
* * *
Pinalamig ni Richard Poon ang studio nung Lunes nang hapon dahil bago ito dumating ay naglabas ng sama ng loob ang kaibigang Jobert Sucaldito tungkol sa salon owner na si Fanny Serrano.
Nakarating kay Jobert ang pahayag ni Tita Fanny na bakit daw siya magpapainterbyu sa The Buzz tungkol sa isyu kina Senador Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta samantalang binira siya ni Jobert sa radyo, sa ibang talk show na lang daw siya magsasalita, dahil taga-The Buzz nga si Jobert.
Sabi ni Jobert, sa susunod daw na kukuha ng spokesman ang megastar, sana raw ay may utak ang kunin ng aktres, hindi tulad ni Tita Fanny na namemersonal.
Nabanggit din ni Jobert na noon daw ay si Precy Ejercito ang palaging takbuhan ng salon owner, napakalaki raw ng naitulong sa kanya ni Precy, pero nung EDSA 2 ay tumayo pa siya sa entablado para sa pagpapababa sa Pangulong Joseph Estrada na biyenan ni Precy.
“Nung magkasakit siya, ipinanghingi siya ng tulong ni Tita Evelyn Alvaran para sa operasyon niya, pero ano ang ginagawa niya? Ayun, tatapatan pa niya ang event nung tao, mabilis siyang makalimot,” dagdag pa ni Jobert.
Nag-ugat ang isyu sa pagtawag ni Tita Fanny sa mga manunulat para ipaliwanag na hindi naghiwalay ang mag-asawang Senador Kiko at Sharon, ang ibinigay niyang dahilan ay quiet time, ang sinabi naman ni Jobert sa radyo ay maging quiet na lang sana si Tita Fanny dahil baka hindi niya alam ang kabuuang isyung naglalabasan ngayon.
Nakarating yun kay Tita Fanny, maaaring may dagdag at may kulang na ang kuwento, kaya siya nakapagsalita na ayaw niyang magpainterbyu sa The Buzz dahil nandun nga si Jobert.
- Latest